Home OPINION TAHIMIK DEPENSA NI VP SARA, MAY MALAKAS NA ‘GAME PLAN’?

TAHIMIK DEPENSA NI VP SARA, MAY MALAKAS NA ‘GAME PLAN’?

2
0

HABANG ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ay patuloy na sinusubaybayan ng publiko, kapansin-pansin ang isang estratehikong katahimikan mula sa kanyang defense team. Sa kabilang panig, ang House prosecution panel ay madalas makita at marinig sa media—masigasig sa pagpapaliwanag ng kanilang mga akusasyon at narrative sa publiko.

Marami ang nagtatanong kung ang katahimikan ba ng defense team ay nangangahulugan ng kahinaan? O baka bahagi ito ng mas malalim na ligal na taktika?

Hindi dapat kalimutan na ang defense team ni VP Sara ay binubuo ng mga batikang trial lawyers—mga abogadong sanay sa aktwal na paglilitis sa korte, hindi sa entablado ng pulitika. Sa kabilang dako, ang prosecution panel ay binubuo ng mga mambabatas na kilala rin sa political arena, kaya’t hindi maiiwasang ang impeachment ay nagiging dalawang laban: isa sa impeachment court, at isa sa korte ng public opinion.

Dito nagiging kritikal ang diskarte. Ang sobrang ingay sa media ay maaaring makaimpluwensiya ng damdamin ng publiko, ngunit sa huli, ang magpapasya ay ang mga senator-judges. At sa inaasahang bilang ng boto, sinasabing mahihirapan ang kampo ng prosecution na makuha ang 16 na boto para sa conviction.

Mas mahalaga pa rito, ang tunay na laban ay nasa ebidensya. Sa impeachment trial, ang bawat testigo ay sasailalim sa masusing cross-examination, at ang bawat dokumento ay dadaan sa mabigat na pagsusuri na magiging isang bagay na hindi ganap na nangyari sa mga naunang pagdinig sa House committee level.

Kaya’t ang katahimikan ng depensa ay maaaring hindi kawalan ng sagot, kundi kumpiyansang nakaugat sa paghahanda para sa aktwal na paglilitis, hindi para sa media mileage.

Samantala, may mga nagsasabing ang masiglang presensya ng prosecution sa media ay tila umaasa rin sa epekto ng opinyon ng publiko na isang uri ng pressure na hindi dapat pumalit sa matibay na ligal na basehan.

Ang impeachment ay hindi dapat maging arena ng popularidad kundi proseso ng batas. Ang hatol ay dapat nakasalalay sa ebidensiya, hindi sa ingay ng kampanya sa labas ng korte.

Pero ano man ang maging hatol kay VP Sara ng impeachment court ay hindi nangangahulugang ligtas na si Pangulong Bongbong Marcos at mga kaanib niya sa mga kasong maaaring isampa laban sa kanila. Mas malamang na magkaproblema siya kapag ma-acquit si VP Sara.

At habang pasadsad nang pasadsad ang approval rating ng Pangulo at palapit na ang katapusan ng kanyang termino hindi malabo na may magsampa ng impeachment ulit laban sa kanya.

Anoman ang maging resulta ng kasong ito, malinaw na hindi dito nagtatapos ang mas malawak na bangayan sa pulitika. Sa lumalalim na hati ng pulitika at pabago-bagong tiwala ng publiko, ang bawat desisyon ay maaaring magbukas ng panibagong yugto ng mga hamon sa pamumuno at pananagutan sa bansa.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here