Home OPINION SMOKING GUN

SMOKING GUN

ISA umanong malinaw na “smoking gun” ang lantad na pagsisiwalat ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla hinggil sa isang “core group” na nagplano ng pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Senadora Imee Marcos, labag sa Konstitusyon ang nasabing planadong hakbang ng ilang matataas na opisyal ng pamahalaan.

Kamakailan ay sinabi ni Imee na ayon kay Remulla na ang “plinanong pag-aresto” sa dating Pangulo, at base lang sa tsismis na hindi kapani-paniwala.

Dagdag niya, hindi umano basta tsismis ang naturang plano at ang ‘di kapani-paniwalang pahayag ni Remulla ay lalong nagpapatibay sa kinatatakutan ng marami.

Sadya talagang mayroon nang planong arestuhin si Duterte kahit hindi pa nailalabas ang warrant mula sa International Criminal Court.

“Ang pagtatangkang pagtakpan ang mga lumabas na sa media at ang mga nangyari na ay indikasyon ng isang masusing planong pag- aresto kay FPRRD, na nakalatag na bago pa man ang petsang nakasaad sa ICC warrant na Marso 11,” giit ng senadora.

Ibinunyag ni Marcos na sa kanyang paunang pagsisiyasat, lumalabas na nakapagpasya na ang pamahalaang Pilipinas na tumulong sa ICC sa pag-aresto kay Duterte, at nagsimula na ang paghahanda bago pa man ang Marso 11.

Nabatid na kasado na ang mga yunit ng pulisya noong Marso 10 pa lamang. Nagmo-monitor na si National Security Adviser Eduardo Año sa mga kilos ni Duterte, at may mga opisyal ng ehekutibo na nagsabing makikipagtulungan ang administrasyon sa ICC sakaling dumaan sa International Police ang kahilingan para sa arrest. Huwaw!

Binabatikos nga naman ang pahayag ni Remulla na binabale-wala ang isyu na tila tsismis lamang, gayung ang pagsisiwalat ay nagbibigay ng mas malinaw na larawan ng maingat na pinagplanuhang hakbang.

At heto ang mas nakababahala na ikatlong natuklasan sa pagsisiyasat ng komite ni Imee.

Sobrang garapal at lantad ang paglabag sa mga karapatan ng dating Pangulo.

Walang inilabas na warrant mula sa korte ng Pilipinas at ang pag-aresto ay hindi pasok sa mga eksepsyon ng warrantless arrest.

Ito ay tahasang paglabag sa mga pananggalang ng Konstitusyon para sa kalayaan at due process.