Naghain ng reklamo sa Ombudsman si Atty. Ferdinand Topacio laban kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla at retiring NBI Director Jaime Santiago kaugnay ng pag-aresto at pagkulong kina Sheila Guo at Cassandra Li Ong noong Agosto 2024.
Sa 20-pahinang reklamo, iginiit ni Topacio na walang warrant ang mga ahente ng NBI at hindi rin pasok sa mga kondisyon ng warrantless arrest ang ginawa, kaya’t arbitrary detention at graft ang kaso laban sa kanila. Na-intercept sina Guo at Ong sa Batam, Indonesia sa kasagsagan ng imbestigasyon sa POGO at dinala sa Pilipinas.
Dagdag niya, dahil lamang sa contempt order ng Senado at Kamara nakulong ang dalawa, kung saan apat na araw munang ikinulong si Ong sa NBI bago inilipat sa detention ng Kongreso. Ayon kay Topacio, ginawa lamang ito ni Santiago dahil iniutos umano ni Remulla.
Si Ong, kinatawan ng sinalakay na POGO hub sa Porac, ay nahaharap na sa mga kaso ng pagsuway sa subpoena ng Kamara, obstruction of justice, at qualified human trafficking. RNT