Home NATIONWIDE Solons sa isyu ng kudeta kay Zubiri: ‘Wag n’yo kami idamay!

Solons sa isyu ng kudeta kay Zubiri: ‘Wag n’yo kami idamay!

MANILA, Philippines – Dumepensa ang mga mambabatas sa pagtukoy sa House of Representatives na may kinalaman sa report na mayroong tangkang pagpapatalsik kay Sen. Juan Miguel Zubiri bilang Senate president.

Ayon kay ACT CIS Partylist Rep Erwin Tulfo walang batayan ang naging pahayag ni Sen Imee Marcos na ang “pressure” para sa pagbabago ng liderato.sa Senado ay mula sa Kamara.

“Naririnig ho namin, pero hindi ho kami pwedeng makialam dyan, kumbaga sa bahay ho, bahay ho nila ‘yun eh, bakit ho natin papakialaman? Eh yung nagsabi ho siguro na dito ho galing sa atin, I don’t know kung saan po nakuha iyon,” ani Tulfo.

Ipinagtataka din ni House Assistant Majority Leader Raul Angelo Bungalon ng Ako Bicol party-list kung bakit parating nadadamay ang Kamara sa gulo sa Senado.

“May isang senador na nagsabi na mga Congresman lang kami, Partylist Representatives lang kami. So, I guess with that…siguro wala kaming kakayahan na makialam sa internal matters po ng Senado,” ani Bongalon

“So despite this political drama, siguro ang panawagan ko na lang, let’s just focus on the legislative agenda and of course I hope that the Senate will handle its internal matters appropriately,” dagdag pa nito.

Umaasa naman si House Assistant Majority Leader Mikaela Angela Suansing ng Nueva Ecija na hindi makakaapekto ang nangyayari ngayon sa Senado sa kanilang trabaho.

“Apart from that, I really hope they keep moving on the local bills and the national bills because we have to keep the legislative mill going. The coup talk should not distract senators from their legislative agenda” ani Suansing.

Giit pa ni Tulfo na abala ang Kamara sa pagtalakay sa mga mahahalagang panukala pangunahin na ang pag amyenda sa economic provisions sa Saligang Batas at wala itong oras para makisawsaw pa sa affairs ng Senado.

“Marami ho kaming ginagawa rito na wala na ho yata kaming oras para pag-usapan ho yang kudeta na yan,” ani Tulfo.

“Besides sila ho dapat mag-usap-usap doon, hindi ho kami dito because wala ho kaming pakialam kung magpalit man sila ng liderato. Magtambling-tambling ho sila doon, wala ho kaming pakialam doon. Bahala ho sila sa buhay nila, malalaki na ho sila, matatanda na rin ho sila,” pagtatapos pa ni Tulfo. Gail Mendoza

Previous articleHarvard education sa Pinas posible sa economic Cha-cha
Next articleQuiboloy ipaaaresto ng Kamara ‘pag no-show sa pagdinig sa Mar. 12