NIYANIG ng drama at aksyon, Lunes na Lunes, ang pagbubukas ng plenaryo ng Senado hindi dahil sa kudeta kung saan pinalitan ni Senator Alan Peter Cayetano si Senator Tito Sotto bilang Senate President. Nagkagulo sa Senado dahil sa ginawang “paglapastangan” mismo ni Sotto sa Senado bilang isang institusyon.
Noong una palang, sinasabing ramdam na ni Sotto na masisipa siya sa pwesto bilang SP. Habang sinusubukan niyang tipunin ang suporta ng kanyang mga kaalyado, humingi rin siya ng tulong sa labas ng Senado.
Batid niyang dadalo si Senator Bato dela Rosa upang makilahok sa botohan para sa bagong Senate chief. Nakipag-ugnayan siya sa National Bureau of Investigation at maging kay ex-Senator Sonny Trillanes upang bantayan si Dela Rosa at arestuhin sa oras na dumating sa pagbubukas ng plenaryo.
Inutusan ni Sotto ang Sergeant-at-Arms ng Senado na makipagtulungan sa NBI sa planong pagdakip kay ”Bato”. Pinatuloy pa niya si Trillanes sa kanyang opisina at pinakain ang 15 NBI agents. Makaraan nito, nagbigay siya ng instruksyon na magtalaga ng mga ahente sa bawat palapag ng Senado upang bantayan ang pagdating ni Dela Rosa.
Sa media interview, ibinunyag ng bagong Senate President na si Cayetano na inamin mismo ni NBI Director Melvin Matibag na may pahintulot ni Sotto ang pagpunta ng kanyang mga tauhan sa Senado.
Matagal nang kinikilala sa Senado ang konsepto ng inter-parliamentary courtesy, isang tradisyon ng paggalang sa kapwa mambabatas at sa dignidad ng institusyon. Ngunit tila isinantabi ni Sotto ang mga usapin tungkol sa ligalidad at parliamentary norms dahil sa umiinit na agawan sa liderato at sa kanyang hangaring manatili sa pwesto.
Tuluyang napalitan si Sotto, ngunit umusad na ang mga planong kanyang inihanda. Nagulo ang buong sesyon sa pagbubukas ng linggo. Nagkaroon ng komprontasyon sa pagitan ng NBI at mga tauhan ng Office of the Sergeant-at-Arms kung saan isang miyembro ng security force ng huli ang binugbog ng mga NBI agent. Nagkaroon din ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng supporters ni Dela Rosa at NBI agents na armado ng assault rifles sa labas ng compound.
Habang nagkakagulo, nagawa pang ngumiti ni Sotto sa mga ikinilos niya upang manatili lamang sa posisyon. Hindi niya iningatan ang dangal ng institusyon dahil sa pagiging “kapit-tuko”. Nakahihiya ang mga nangyari sa Senado dahil sa pagpapel na ”Hudas” ni Sotto sa isa niyang kabaro.






