MANILA, Philippines- Hiwalay na nagdeklara ng state of calamity ang mga lalawigan ng Batanes at Ilocos Norte kasunod ng pagbayo ni Bagyong Julian.
Sa ulat nitong Martes, nagresulta ang nasabing bagyo sa mga natumbang puno, nasawing mga hayop, at pagbaha ng mga kalsada na hindi na madaanan dahil sa zero-visibility. Limitado pa rin ang public utilities at mga serbisyo tulad ng tubig, kuryente, at linya ng komunikasyon sa lalawigan.
“Iba ito kasi masyado siyang matagal. Sobrang nakasira ng mga bahay dito at sobrang lakas ng ulan. First time din namin na malakas yung flood namin dito sa Batanes,” pahayag ni Governor Marilou Cayco.
“Humihingi ako ng una, bottled water. Ang kinatatakutan ko pag walang tubig is baka mamaya magkaroon naman kami ng diarrhea outbreak dito,” dagdag niya.
Sa hiwalay na ulat, nagdeklara rin ang Ilocos Norte ng state of calamity matapos maapektuhan ni Julian ang mahigit 17,000 pamilya sa lugar.
“[Ang] pinakamaraming population mostly is Barangay 1, then ang infrastructure ‘yung pinakagrabe [na sira] talaga is dito sa Gabu. That’s why we are monitoring also,” pahayag ni Laoag CDRRMO Officer-in-Charge Dr. Melvin Manuel.
“We heard na may casualties tayo, pero wala pang verified information ito. Wala pang official reports. [Mayroon daw] isa sa Batac, isa sa Paoay, missing ‘yun, at isa dito sa Laoag City,” ayon naman kay Engineer Randy Nicolas ng Ilocos Norte LDRRMO II. RNT/SA