Home OPINION ‘STEAL WITNESS’

‘STEAL WITNESS’

208
0

NANGAKO si dismissed public works and highways Undersecretary Roberto Bernardo na magsasauli umano ng P1 BILYONG “nakaw na pera” o kanyang kinita sa mga anomalya sa flood control projects.

Si Henry Alcantara, ang nasibak namang district engineer ng Department of Public Works and Highways sa Bulacan, ay nakapagsauli na ng kabuuang P181 million.

Kasunod niya, si DPWH regional director for Metro Manila, Gerard Opulencia, ay nagsauli ng P40 million.

Ang private contractor na si Sally Santos ng SYMS Construction Trading ay nagsauli naman ng P20 million.

At dahil sa pagsasauli ng mga KINULIMBAT na pera, silang apat ay TINANGGAP ng Department of Justice upang maging TESTIGO ng pamahalaan laban sa mas MALALAKING ISDA o personalidad sa flood control scandal.

Tinatawag ngayon sina Bernardo, Alcantara, Opulencia at Santos na mga STEAL, este, STATE WITNESS.

***

Bilang STATE WITNESS sa PAGNANAKAW sa pera ng bayan na para sana sa paggawa ng mga imprastraktura na pangontrol sa baha, sila ngayon ay protektado ng gobyerno bukod sa magkakaroon ng IMMUNITY sa mga kaso kung saan kakailanganin ang kanilang testimonya.

Ay, kasarap naman ng buhay ng mga MAGNANAKAW. Onli in the Pilipins, ika nga.

***

Mantakin n’yo, si Bernardo ay isa lamang undersecretary pero may isasauling DINAMBONG na P1 bilyon.

Aba’y ilang bilyon naman kaya ang NASAGPANG ng mga BUWAYANG matataas na opisyal ng gobyerno na may kinalaman sa mga pampublikong pagawain?

Huwag n’yo na pong tanungin si resigned DPWH Sec. Manuel Bonoan dahil ang isasagot lang niya ay…WALA SIYANG ALAM. Tsk, tsk, tsk!

***

Kakaiba rin ang husay ni Sen Ping Lacson bilang chairman ng Senate Blue Ribbon Committee.

Hindi talaga siya papayag na MAGPAKABOG kay Sen.Rodante Marcoleta na siyang dating chairman ng SBRC pero NA-STEAL, este, nakuha ito ni Ping.

Sa nakaraang hearing, may dalawang babaeng bagong WITNESS na iniharap si Lacson ukol sa umano’y pagbili ng mansyon ni dating House Speaker Martin Romualdez sa Forbes Park.

Nagpaalam pa si Sen. Marcoleta kay Sen. Lacson kung maaari siyang magtanong sa dalawang babaeng WITNESS at pumayag naman si Pinky, este, si Ping pala.

Heto na ang siste. Hindi pa man nakasasagot sa tanong ni Marcoleta ang dalawang WITNESS e, NA-STEAL na naman ni Lacson ang moment dahil siya na lang ang sumagot.

Hindi masyadong halata na may pinagtatakpan, ha!

Hay naku, hindi ko na talaga KERIBELS itong si Pinky! O sya, babush!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here