MANILA, Philippines – Sa pagsisilbi ng search warrant ay nadakip ng mga miyembro ng Marcelo Green Sub-station ng Parañaque City police ang isang steelworker na nakumpiskahan ng baril at bala Huwebes ng umaga, Agosto 29.
Kinilala ni Parañaque City police officer-in-charge P/Col. Melvin Montante ang nadakip na suspect na si alyas Albert, 38.
Base sa report na isinumite ni Montante sa Southern Police District (SPD), naganap ang pag-aresto sa suspect dakong alas 5:40 ng umaga sa Sitio Malugay, Brgy. San Martin De Porres, Sitio Malugay, Zone 2, Parañaque City.
Ang pag-aresto kay alyas Albert ay naisakatuparan sa bisa ng inisyung search warrant ni Parañaque City Regional Trial Court (RTC) Executive Judge Jaime M. Guray ng Branch 260.
Sa isinagawang operasyon ay narekober sa posesyon ng suspect ang dalawang hindi lisensyadong baril na kniabibilangan ng isang kalibre .38 robolber na kargado ng walong bala, isang kalibre .22 na may tatlong bala at tatlo pang bala ng hindi batid na kalibre ng baril.
Dinala ang mga narekober na ebidensya sa SPD Forensic Unit para sumailalim sa ballistic examination.
Kasong paglabag sa Republic Act 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition ang kinahaharap ng suspect na kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Parañaque City police habang naghihintay ng commitment order ng korte para sa kanyang paglipat sa city jail ng lungsod. James I. Catapusan