MANIKA, Philippines- Kasunod ng mga kontrobersiyang bumabalot sa iniakdang libro ni Vice President Sara Duterte, sinabi niyang balak niyang magsulat ng panibagong aklat ukol sa pagtataksil ng isang kaibigan.
Sa pahayag nitong Miyerkules kung saan itinanggi niya ang alegasyong plagiarism sa kanyang librong pinamagatang “Isang Kaibigan,” inilahad ng opisyal na balak niyang magsulat ng isa pa.
“Abangan ninyo ang susunod kong isusulat na libro tungkol sa pagtataksil ng isang kaibigan,” aniya, idinagdag na hindi ang libro niya ang problema, kundi ang estado ng “readership” sa mga kabataan ng bansa.
Matatandaang kinuwestiyon ni Senator Risa Hontiveros ang nasabing aklat dahil sa P10 milyong alokasyon para sa paglalathala at distribusyon nito sa panukalang budget ng Office of the Vice President (OVP) para sa 2025.
Tungkol ang nasabing babasahin sa kwento ni Kwago (Owl), na nawasak ang tirahan at mga ari-arian dahil sa bagyo.
Iniwan siya ng lahat ng kanyang kaibigan maliban kay Loro (Parrot), na binigyan siya ng tirahan at tinulungan siyang muling itayo ang kanyang pugad.
Makikita sa author’s page ang larawan ni Duterte kasama ang kanyang elective positions. Nagtapos ito sa linyang, “Siya ay isang tunay na kaibigan.”
Umalis sa Gabinete ang Bise Presidente, tumakbo kasama si Pangulong Marcos sa 2022 UniTeam tandem, noong Hulyo at mula noon ay binatikos ang mga pagkukulang ng administrasyong Marcos.
Inakusahan din niya na nahaharap ang pamilyang Duterte sa political harassment at inihayag na mayroon pa umanong mga plano na patalsikin siya at pabagsakin ang kanyang pamilya. RNT/SA