
SA naging pagdinig ng Senate Foreign Relations Committee noong Marso 20, hinggil sa ginawang pag-aresto ng gobyerno kay ex-President Rodrigo Duterte at paspasang pagpapadala sa kanya sa The Hague para litisin ng International Kangaroo, err, Criminal Court, isa sa mga ipinatawag upang magpaliwanag ay si National Security Adviser Eduardo Año.
Disente, propesyonal at higit sa lahat, HINDI SINUNGALING na tao si Sec. Año, kaya nga tumagos sa mga nakakikilala sa kanya ang katotohanan ng kanyang mga naging sagot at paliwanag sa kung ano lang ang kanyang naging “papel” sa nangyaring pag-aresto kay FPRRD noong Marso 11—tiyakin na hindi mauwi sa ‘national security crisis’ ang sitwasyon.
Matagal na nating kilala at itinuturing na kaibigan—hanggang ngayon—si Año, na nakilala natin sa Solcom noong dalawang “bolitas” (Lt. Colonel) pa lang ang nakalagay sa kanyang mga balikat.
‘Proud’ pa nga tayo na sa kanyang ‘change of command ceremony’ sa Camp Aguinaldo noong 2016 bilang AFP chief, personal pa niya tayong kinumbida!
Bukod sa hindi pagiging sinungaling, hindi rin siya ‘bloodthirsty’ o “berdugo” na palaging bintang sa kanya ng grupo ng ‘Makabayan Bloc’ sa Kongreso.
Kung totoo kasing “berdugo” si Año, bakit buhay pa at nakakulong ang lahat ng mga lider ng CPP-NPA na nahuli niya? Hindi ba dapat, “tsugi” na sila noon pa?
Bagaman “sablay” na idawit siya sa umano’y ‘core group’ sa Palasyo na “nagplano” ng pag-aresto kay FPRRD at dahilan “upang gulpihin” siya sa ‘social media,’ nakita rin ang isa pang magandang katangian ng kanyang karakter– katatagan sa kabila ng mga mabibigat na pagsubok.
At ngayong nakapagpaliwanag na siya, marapat lang na tanggapin at paniwalaan ng publiko ang kanyang bawat salita. Siya kasi, dear readers, ang tao na “palaging sa totoo lang tayo!”
Pero kung ayaw pa rin siyang tantanan ng mga kurimaw eh, ‘just carry on,’ Secretary Año! Palaging suportado kita!