Home OPINION SWAPANG NA KONGRESMAN INALMAHAN NG DPWH

SWAPANG NA KONGRESMAN INALMAHAN NG DPWH

SINO ba itong isang dating contractor na pinalad na naging party-list congressman na ating napag-alaman na inaalmahan na ng Department of Public Works and Highways sa umano’y pagiging garapal nito sa mga proyekto.

Ganoon daw kagahaman at swapang ang nasabing naging representante ng isang party-list sa pagsungkit ng mga infrastructure project kahit wala itong sariling distrito.

Nakarating din sa kaalaman ng Good Riddance na mahilig daw umano itong manira ng legitimate contractors para lamang mapunta sa kanyang kompanya ang mga proyekto, kahit maliliit.

“Malakas din pong mang-agaw ng projects si contractor-kongresman, simpleng name-drop ang katapat kaya agad naman napagbibigyan,” ayon pa sa isang bubwit.

“Sasabihin lang napag-usapan na namin ‘yan ni boss na sa akin ang project na yan. Sa ganitong paraan marami na tuloy ang nabiktima,” dagdag pa nito.

Bakit ganito kalakas ang loob ng magiting na kawatan este kinatawan na ito? Sino ang tao na sinasandalan nito?

Totoo bang marami siyang padrino o magaling lang talaga siyang umarte?

Clue: Panay for solidarity ang apela nito pero todo kabig lang pala para lang sa kanya.

Senior citizens sa Navotas, unang nabiyayaan

MASAYANG inanunsyo mismo ng magkapatid na sina Navotas City Mayor John Rey Tiangco at Rep. Toby Tiangco na ang mga senior citizen ng lungsod ang mga kauna-unahang nakatanggap ng benepisyo sa ilalim ng Expanded Centenarians Act sa Metro Manila.

Ang mga ito na nasa edad na 80, 85, 90 at 95 ay agad nang nakatanggap ng P10,000 cash incentive.

“An initial batch of 53 senior citizens, who reached these milestone ages between March 17 and December 2024, also benefited from free medical check-ups, medicines, and basic laboratory tests,” ayon kay Mayor JRT.

Ayon naman kay Congressman Tiangco, na co-author ng nasabing batas, mahalagang mabigyan ng pagkilala ang senior citizens.

“Ang ating mga nakatatanda ay nag-alay ng maraming taon ng kanilang buhay para sa kanilang pamilya at komunidad. Nararapat lang na kilalanin at suportahan sila habang sila ay kapiling natin.”

“Hindi lang ito tungkol sa pera kundi pagpapakita ng pagpapahalaga at respeto sa ating mga lolo at lola. Ang bawat benepisyo ay isang pasasalamat sa kanilang naging papel sa ating lipunan,” dagdag pa nito.

Sa ilalim ng Republic Act 11982, siguradong makatatanggap ng halagang P100, 000 ang sinomang makarating sa edad na 100.