MANILA, Philippines — Ibinlacklist ng Mandaluyong City government ang supplier ng mga kulang-timbang na sako ng bigas na ipinamahagi sa mga benepisyaryo, ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro nitong Lunes.
Sinabi ni Castro na ang mga nakatanggap lamang ng walong kilo sa halip na 10 kilo ay bibigyan ng karagdagang 10-kilogramong sako ng bigas. Hindi na rin babawiin ang walong kilong una nilang natanggap.
“Inacknowledge po ito ng supplier at sila po ang nagkaroon ng pagkakamali dito. At humingi na raw po sila ng paumanhin sa Mandaluyong LGU,” sinabi ni Castro.
“Ang pangako ay papalitan ng buo na 10kg ang… nakakuha ng 8kg. Bibigyan ng additional na 10kg na bigas at hindi na babawiin ang unang naibigay na 8kg lang,” dagdag niya.
Nagsagawa rin ng imbestigasyon ang lokal na pamahalaan kaugnay ng insidente.
Ayon kay Castro, 29,500 sako ng bigas na may tig-10 kilo ang ipinamahagi sa ilalim ng Bawat Bayan Makikinabang Program. Gayunman, tinatayang 50 sako ang nakitang kulang ng tig-dalawang kilo.
“Hindi po ito nanaisin ng Pangulo. Kung ano ang dapat ibigay sa taong bayan, dapat ibigay,” sinabi ni Castro. RNT