HINDI pa naglalabas ang Supreme Court o SC ng pagpapasya sa kasong nakasampa rito ukol sa umano’y pambababoy sa 2025 General Appropriations Act o GAA.
Sa reklamo nina Kongresman Isidro Ungab at Atty. Vic Rodriguez sa SC, kabilang sa mga isyung isinampa nila ang pagdaragdag ng pondo nang lagpas sa panukalang badyet o National Expenditure Program o NEP kaya maituturing itong labag sa Konstitusyon.
Inireklamo rin nila ang pagbibigay ng GAA ng higit na pondo o prayoridad sa pagawaing bayan at imprastraktura sa sektor ng edukasyon na siyang pinakaprayoridad mismo ng Konstitusyon kaya labag din sa Konstitusyon.
Kung tutuusin, tapos na ang lahat ng pagsusumite ng mga posisyon o pleadings nina Ungab at Rodriguez at ang pamahalaan sa usapin at tanging ang pagpapasya na lamang ng SC ang ating hinihintay.
Kaugnay nito, kalalabas lamang ang pahayag ni dating House Appropriations Chairman Zaldy Co na maituturing na dagdag-ebidensya sa mga reklamo nina Ungab at Rodriguez.
Sinabi ni Co na may inutos si Pangulong Bongbong Marcos sa kanya, sa pamamagitan nina Department of Budget and Management at ex-Speaker Martin Romualdez, na magsingit ito ng P100 bilyong dagdag sa NEP ngunit sa Bicameral Conference Committee na ito isasagawa.
Dagdag pa ni Co na pumalag siya dahil labag iyon sa Konstitusyon na nag-aatas sa edukasyon na “highest priority” kaysa sa anomang programa ng pamahalaan ngunit wala siyang nagawa kundi sumunod sa utos ni Marcos lalo na nang sabihin ni Romualdez sa kanya na “kung ano ang gusto ng Pangulo, kanya itong makukuha.”
Posible bang ikonsidera ng SC ang pahayag ni Co na magiging bahagi ng pagbubuo ng desisyon nito sa kaso?
Pupwede bang gumawa ng paraan ang SC para isaligal ang mga pahayag ni Co para maging bahagi ng kaso at isa sa mga batayan na rin sa paggawa nito ng desisyon?






