Home NATIONWIDE Survey: 5 incumbents lang, swak sa ‘Magic 12’ ng 2025 Senatorial polls

Survey: 5 incumbents lang, swak sa ‘Magic 12’ ng 2025 Senatorial polls

MANILA, Philippines – LIMANG incumbents lang, isang TV host at ilang dating senador ang pasok sa “Magic 12” kung ngayon isasagawa ang 2025 Senatorial election, batay sa isang survey.

Sa isinagawang survey ng Sulong at Matatag na Pilipinas para sa 2025 Senatorial election, nangunguna sa survey ang TV host at comedian na si Willie Revillame na may 72.65%. Ito ay matapos magdeklara ang Wowowin host na nakahanda na siyang pumalaot sa pulitika.

Sinundan siya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na may 70.94% sa buong bansa.

Kabilang sa iba pang inaasahang magwawaging senador sa 2025 senatorial poll ay si Pambansang Kamao at dating Sen. Manny Pacquiao na nakakuha ng 65.58% sa ikatlong puwesto, sinundan ni Senator Imee R. Marcos na may 60.71 porsiyento at dating Senate President Tito Sotto na nakahamig ng 58.67% sa ika-4 at ika-5 puwesto, ayon sa pagkakasunod.

Naging kapansin-pansin naman ang naging malaking pagtaas sa survey ni Sen. Francis Tolentino na mayroong 50.97 porsiyento para sa ika-6 puwesto.

Sinundan siya ni Senator Bong Go na nasa rank 7 sa nakuhang 48.73 porsiyento at ang iba pa ay sina Manny Villar, Pia Cayetano, Isko Moreno Domagoso, Harry Roque at Bato Dela Rosa para sa ika-8, 9, 10, 11 at 12 na posisyon.

Isinagawa ang survey ng Sulong at Matatag na Pilipinas mula Enero 14-27, 2024 na may 20,400 respondents sa 17 rehiyon.

Binubuo ng 1,200 respondents bawat rehiyon, ang survey ay may margin of error na plus/minus 2-3% .

Itinatanong sa respondents ang: ‘Kung ngayon ang 2025 Senatorial Election, sino ang 12 na iboboto mo?'” RNT

Previous articleKai Sotto bida sa panalo ng Yokohama
Next articleMagnolia reresbak sa krusyal Game 6