SI Joseph Llagas na pumatay ng traffic enforcer sa Tanza, Cavite nitong Linggo, eh, may naunang double murder case.
Sinampahan si Llagas ng ibang kasong murder makaraang sumuko ito, kasama si Aries Carlos, sa pagpatay kay William Quiambao, ang traffic enforcer.
Paano ba nakalusot at lumaya si Llagas sa unang kaso nitong double murder kaya muling pumatay?
Dapat na kalkalin nang husto ng mga awtoridad ang kasong ito at tiyaking hindi na muling lulusot sa kamay ng hustisya ang suspek.
Ang isa pang nakapag-aalala ay kung ibababa ng korte ang kasong murder sa homicide na roon pwedeng magpiyansa ang suspek.
Ano na ang mangyayari kung kasong homicide lamang ang maisasampa na hindi imposibleng mangyari?
SANAYIN SILA
Sa panonood natin sa video, naging matapang ang mga traffic enforcer sa pagharang at pagpigil sa motorsiklo nina Llagas at Carlos na nakitang nakainom.
Pero noong namamaril na si Llagas, nagpulasan at lumayas na ang mga kasamang traffic enforcer ni Quiambao para iligtas ang kanilang sarili sa kamatayan na normal lang naman.
Ngunit nakapagtatakang wala man lang humabol kay Llagas nang may distansya habang tumatakas ang mga ito.
Alam naman ng lahat na halos ubos na ang bala ni Llagas at hindi na makapipinsala ang handgun sa layong 100 metro.
O kaya’y sa rami ng mga traffic enforcer na posibleng tulungan ng mga tambay sa lugar, bakit hindi nila nagawang sugurin ito upang sugpuin?
Dito lumitaw ang kahinaan ng pamahalaan sa pagtatalaga ng mga traffic enforcer.
Hindi lang patong-patong na kaso laban sa traffic violator ang dapat na alam gawin ng mga traffic enforcer para kumita ang pamahalaan.
Dapat sanayin din silang lumaban sa krimen dahil, sa totoo lang, nasasalang ang mga ito sa mga krimen sa kalsada, kasama na ang pagpatay sa tao.
Panahon nang pagtutunan ng pamahalaan ang pangangalaga sa buhay ng mga traffic enforcer laban sa krimen at hindi lang para sa pag-aayos ng daloy sa trapiko at paniniket para kumita ito.