Home OPINION KAHANDAAN SA KALAMIDAD MAS PINAIGTING

KAHANDAAN SA KALAMIDAD MAS PINAIGTING

MAS lalo pang pinalakas ng administrasyon ni Pangulong “Bongbong” Marcos ang paghahanda sa anomang kalamidad o sakuna na tumatama sa bansa mula nang umupo bilang puno ng bansa.

Kagaya nitong Super typhoon “Mawar” kung saan ilang araw pa bago pumasok sa Philippine Area of Responsibility ay kaliwa’t kanan na ang isinagawang pagpupulong ng iba’t ibang ahensya kabilang ang National Disaster Risk Reduction and Management Council, Armed Forces of the Philippines, Department of Social Welfare and Development, Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Service Administration at iba pang may mahalagang papel na ginagampanan tuwing may nakaambang kalamidad.

Tinutukan ng PAGASA ang tatahakin ng bagyo kahit may 2,000 kilometro pa ang layo nito sa PAR at ibinabato sa mga departamento at publiko ang taglay na lakas nito para ibayong paghahanda ang isagawa ng sinoman at maiwasan ang pinsala at pagbuwis ng buhay ng sambayanan.

Sa panig ng DSWD, agarang pinulong ni Secretary Rex Gatchalian ang mga kawani sa ilalim ng disaster operations at regional directors upang suriin ang kahandaan nito sa parating na mala-delubyong bagyo.
Siniguro ng Kalihim na may sapat na pagkain ang bawat rehiyon sa pamamagitan nang pagpapadala ng augmentation ng family food packs para may makain ang lahat ng maaapektuhan sa bawat probinsya at bayan sa bansa.

Kabilang din sa preparasyon na isinasagawa ng ahensya ang kasunduan sa supermarket at grocery stores sa mga lugar kung saan kaakibat dito ang emergency purchases ng pangunahing pangangailangan sa panahon ng kalamidad.

Layunin ng hakbang na ito na tuloy-tuloy ang relief operations ng DSWD sa mga apektadong indibidwal kahit pa maubusan ng stockpile ng pagkain ang mga warehouse nito sa bawat rehiyon.

Bukambibig ni PBBM ang pinaigting na paghahanda ng iba’t ibang ahensya dahil na rin sa kautusan nitong maiwasan ang disgrasya ng sinoman at walang magugutom sa panahon ng anomang sakunang pumapasok at nanalanta sa bansa.

Naniniwala ang Pangulo na ang ibayong paghahanda sa paparating na kalamidad ang susi upang higit na maprotektahan ang higit na nakararaming kababayang madalas tamaan nito at matagal makabangon ng hagupit nito

Sila ang itinuturing na nasa laylayan ng lipunan na higit na nangangailangan ng pagkalinga ng gobyerno sa panahon ng anomang hamon sa buhay.

Anomang puna o reaksyo i-text sa 09999388537/email [email protected]

Previous article25 pasado sa mechanical engineers exam; 3 sa plant mechanics exam sa Middle East, Singapore
Next articleSUSPEK SA ENFORCER MURDER LALAYA KAYA MULI?