Home NATIONWIDE Suspensyon ng F2F classes sa matinding init oks sa DepEd

Suspensyon ng F2F classes sa matinding init oks sa DepEd

MANILA, Philippines- Iginiit ng Department of Education nitong Martes na maaaring suspendihin ang face-to-face classes sa mga lokalidad na apektado ng matinding init dulot ng tag-init at ng El Nino phenomenon. 

Ito at matapos ianunsyo ni Bacolod Mayor Albee Benitez ang suspensyon ng face-to-face classes sa public at private schools at mga unibersidad sa elementary at secondary levels sa Bacolod City matapos ang forecast ng PAGASA na mataas na heat index sa March 11 at 12.

“Last year meron nang situation na ganito at nakapag-issue na tayo ng directives last year para sa mga field offices na maaaring mag-suspend ng face to face classes…kung sobrang init na talaga ang nararamdaman sa kanilang mga school,” pahayag ni DepEd deputy spokesperson Asec. Francis Bringas sa isang panayam.

Awtomatikong lumilipat sa modular distance learning sakaling nagkakaroon ng suspensyon ng suspension ng face-to-face classes, ani Bringas. 

Maaaring mag-anunsyo ang local government officials at school heads ng suspensyon ng face-to-face classes batay sa PAGASA heat index forecast, anang opisyal.

“‘Yung PAGASA meron silang ginagamit na scale at pag umaabot na sa scale na masyado nang mainit, kinakailangan na nilang mag-suspend,” pahayag niya.

Nakatakdang ibalik ang face-to-face classes sa Western Visayas sa March 13. RNT/SA