MANILA, Philippines -Ibinaba na ng Philippine Coast Guard (PCG) Station Surigao del Norte ang pansamantalang suspensyon sa biyahe ng mga sasakyang pandagat mula sa 35 gross tonnage (GT) sa 15 GT pababa nitong umaga ng Sabado.
Ito ay matapos gumanda ang panahon sa lugar.
Pinapayuhan din ang mga sasakyang bibiyahe na magdoble-ingat, suriing mabuti ang lagay ng panahon at karagatan, at ipatupad ang mga kinakailangang hakbang sa kaligtasan bago umalis at sa buong paglalayag,
Nagpalabas din ng parehong abiso ang mga Coast Guard Station sa Siargao at Dinagat Islands, kung saan ibinaba rin nila ang pansamantalang suspensyon sa biyahe ng mga barko mula 35 GT patungong 15 GT.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na nananatili pa rin ang gale warning sa hilaga at silangang baybayin ng Northern Luzon.
Maalon pa rin ang dagat na may taas na hanggang 3 metro sa Dinagat Islands, Siargao at Bucas Grande Islands, at Surigao del Sur. Jocelyn Tabangcura-Domenden