
ANG swerte dumarating nang hindi inaasahan tulad na lang ng nangyari sa bagong officer-in-charge ng Quezon City Police District na si PCol. Randy Glenn G. Silvio.
Si Silvio, miyembro ng Philippine National Police Academy “Kapanalig” Class ’97, dapat sana ay malalagay sa Philippine National Police-Drug Enforcement Group pero dahil buenas ay siya ngayon ang top cop ng QCPD.
Sa ngayon ay OIC si Silvio subalit ilang panahon lang ay inaasahang matatalaga na siyang acting district director ng lungsod na pinamumunuan ni Mayor Joy Belmonte.
Hindi naman kataka-takang magustuhan ni Mayor Belmonte na mamuno si Silvio sa mga pulis ng kanyang lungsod sapagkat maayos ang karakter nitong opisyal na ito.
Kapag tiningnan ang kanyang personal data sheet o PDS hindi nakahihiya ang mga unit na kanyang pinanggalingan at ang mga bayan at lalawigan na kanyang napagsilbihan.
Si Silvio, noong panahon ng pandemya, ay sanay na sanay sa pagbibigay ng ayuda sa mga nangangailangan sapagkat ang unit na kinabibilangan niya ay ang National Capital Region Police Office- Regional Mobile Force Battalion.
Siyempre ang ayudang ipinamimigay nila ay face mask, vitamins at mga gamot. Namahagi rin sila ng bigas subalit hindi nila hiningi sa mga politiko ngunit sa kani-kanilang sariling bulsa at mga kaibigang handang tumulong.
Kung husay ang pag-uusapan, naging hepe ng Criminal Investigation and Detection Group-National Capital Region si Silvio at sa kanyang panunungkulan sa nasabing unit ng PNP ay umani siya ng award na “Best Senior Commissioned Officer for Operations.” Patunay lang na sa pagganap sa kanyang trabaho, ibinibigay niya ang kanyang buong kakayahan o ‘best.’
At marami pang award siyang natanggap sa kanyang mga napwestuhang unit ng PNP.
Kapalaran o swerte, talagang nakalaan kay Silvio kasi nga hindi naman aakalain na papalitan kaagad niya ang dating OIC ng QCPD na si PBGen. Melencio Buslig Jr. na minalas dahil sa kanyang malasadong tauhan.
Congrats PCol Randy Glenn G. Silvio at tuloy-tuloy lang ang maganda mong nasimulan. Hindi naman mali ang unang impresyon ng mga taga-QC Hall sa iyo na mabait ka. Pero, kwidaw ka dahil kilala ka na matindi sa disiplina.