MANILA, Philippines – Hinimok ni Quezon City Rep. Patrick Michael Vargas ang kanyang mga kapwa mambabatas sa House of Representatives na bigyang-priyoridad ang dalawang panukalang batas na layong mapabuti ang kondisyon ng mga health workers sa bansa at maiwasan ang patuloy na pag-alis nila sa Pilipinas.
Sa isang pahayag noong Biyernes, kasunod ng Health Workers’ Day, isinusulong ni Vargas ang House Bill No. 3520 o “Government Medical Doctors Salary Upgrading Act,” na magtataas ng basic pay ng mga government doctors mula Salary Grade (SG) 21 patungong SG 23.
Ibig sabihin, tataas ang sahod mula ₱73,303 patungong ₱91,306, o dagdag na ₱18,003.
Ayon kay Vargas, makatutulong ito para mabawasan ang pag-alis ng mga doktor sa ibang bansa.
“Filipino health workers are among the most sought-after in the world because of their high-quality education and signature bedside manner. But we should be the first to experience their care, not the last,” aniya.
Dagdag pa niya, “If we pay doctors well, they will be encouraged to work in the country. We will also ensure that we attract the best and most skilled talent to our public hospitals.”
Sa ilalim ng panukala, inaatasan ang Department of Health (DOH) na maghanda ng nakalaang budget sa loob ng hindi bababa sa limang taon upang pondohan ang pagtaas ng sahod, habang ang Department of Budget and Management (DBM) naman ang mag-aadjust ng pondo para sa implementasyon.
Samantala, isinusulong din ni Vargas ang House Bill No. 3398 o “Care for Nurses’ Welfare Act,” na magtatakda ng limitasyon sa oras ng trabaho ng mga nurse.
Layunin nitong ipagbawal ang pag-oobliga sa mga nurse na magtrabaho nang lampas 8 oras kada shift o higit 40 oras kada linggo.
“A rested nurse is an attentive nurse,” sabi ni Vargas, dagdag na ang sapat na pahinga ay makatutulong upang maiwasan ang pagkakamali dulot ng pagod.
Ayon sa kanya, ang dalawang panukala ay pagkilala at suporta sa sakripisyo ng mga frontliner sa sektor ng kalusugan. RNT/MND