Home NATIONWIDE Tag-ulan paparating na sa Pinas!

Tag-ulan paparating na sa Pinas!

MANILA, Philippines – Inanunsyo ng state weather bureau na papalipat na ang Pilipinas sa panahon ng tag-ulan kaya pinaghahanda na nito ang publiko.

“Papunta na po tayo sa transition, papunta pong tag-ulan o tag-ulan sa bansa,” ani PAGASA weather specialist Loriedin dela Cruz-Galicia sa isang ulat.

“Sa atin pong mga analysis, posible po na sa mga darating na araw, mas magiging frequent pa ‘yung mga passing rain showers o ‘yung mga pag-kidlat, pag-kulog sa hapon at gabi sa mga susunod na araw,” aniya.

Naramdaman ang mga pag-ulan at pagkidlat-pagkulog sa Metro Manila at ilang probinsya nitong mga nakaraang araw, na nagbibigay ng pahinga sa mga tao sa matinding init na dala ng El Niño weather phenomenon.

Habang ang pagsisimula ng tag-ulan ay karaniwang nangyayari sa pagitan ng katapusan ng Mayo at unang bahagi ng Hunyo, sinabi ng PAGASA na ang La Niña phenomenon ay maaari lamang lumakas sa huling quarter ng 2024.

“Sa analysis naman po ng PAGASA, meron po tayong 65% to 70% na magkakaroon o magsisimula ang mahina o weak La Niña by June, July, and August hanggang September, October…and then opo eventually lalakas po ‘yung La Niña episode natin sa pagtatapos ng taon,” sabi ni Galicia.

Ang La Niña ay iniuugnay sa higit sa normal na kondisyon ng pag-ulan sa huling quarter at mga unang buwan ng susunod na taon.

Nauna nang hinimok ng PAGASA ang paghahanda para sa La Niña, lalo na sa mga lugar na madalas bahain. RNT