Home OPINION YAMANG PINOY NA NAKAPANGHIHINAYANG

YAMANG PINOY NA NAKAPANGHIHINAYANG

NAPAKARAMING yaman ang Pilipinas ngunit napakaraming mahihirap sa kabila nito.

Kung alam lang ang mga paraan upang mapagyaman ang mga yamang ito at hindi na lang itinatapon sa basurahan, marami sanang Pinoy ang nakaaalagwa sa buhay o may kakayahang lumaban sa kahirapan.

Sinasabi natin ito, mga Bro, kaugnay sa balitang may mga nagtatapon ng kanilang mga produkto o benta gaya ng mangga.

SAYANG NA SAYANG

Si Frederick Marcos Cayaban, isang magmamangga, sa San Mateo, Isabela ang nagtapon ng 3,000 mangga nang mahinog ang mga ito at hindi mabenta sa Metro Manila.

Sa rami umano ng nakapilang trak sa isang planta o warehouse sa Metro Manila, hindi na lang itinuloy ni Cayaban ng pagbebenta ng nahinog niyang mangga na ikinarga sa isang closed van.

Madaling nahinog ang mga mangga dahil isinakay sa closed van na nasalang sa sobrang init ng araw.

At sa huli, itinapon na lang ang mga ito.

Halagang P84,000 umano ang nasirang mangga

Pero hindi lang iyon ang nagiging malaking problema.

Dahil sa sobrang ani sa kanilang lugar, bumagsak nang bumagsak ang halaga nito mula sa P20 na lang hanggang P5-P7 kada kilo.  

Nakatulong naman umano mismo ang pamahalaan sa kanya nang kunin ng Department of Agriculture at Kadiwa ang 800 kilo niyang mangga at wish lang niyang magpapatuloy ang katulad ng ginawa ng Kadiwa.

Alam na natin ang Kadiwa na kumukuha ng mga produktong lokal at ibinebenta sa murang halaga at nakatutulong naman ito sa mga magsasaka.

Maalaala ba ninyo ang mga itinatapong mangga rin ng mga nagtitingi dahil sa hindi pagkabenta ng mga ito?

Nadaraanan natin mismo sila sa napakaraming lansangan at mismong sa loob ng mga palengke na nagtatapon din ng mga sira nang mangga sa labis na pagkahinog.

Pero hindi lang naman mangga ang nasisira.

Taon-taong itinatapon ang mga kamatis, ang mga gulay sa Benguet at iba pang mga produkto dahil hindi mabenta ang mga ito sa rami ng ani.

HINDI SAPAT

Nakatutulong ang pag-iikot ng DA at Kadiwa para tugunan ang kailangang merkado ng mga produkto ng mga magsasaka.

Pero malinaw na hindi sapat ito kung kinukuha lang ang mga ito at saka ibenta.

Dapat maproseso ang mga produkto upang magtagal ang mga ito at magamit sa ibang mga pangangailangan at maibenta.

Dapat palawakin, halimbawa, ang paggawa ng dried mango na pupwedeng ibenta sa lokal at dayuhang merkado.

Ang mga kamatis na basta na lang ibinabasura rin, dapat malaman kung paanong gawing ketsup at iba pang produkto na magtatagal.

Ang mga gulay sa Benguet, pwedeng gawing buro o kimchi.

DOST, DTI, DOH AT IBA PA

Dito na pupwedeng kumilos ang Department of Science and Technology, Dept. of Trade and Industry, Dept. of Health at iba pang sangay ng pamahalaan na makapagtuturo sa mga mamamayan kung ano ang gawin nila sa mga produkto upang hindi masayang at mapakinabangan nang husto sa halip.

Kahit sa maliliit lang na paraan, small scale, na kung uunlad na maging medium at large scale industry ay pinakamainam.

Silipin din kung paano makatutulong ang DTI sa pagdadala ng mga produkto kahit saan sa tamang presyo o ang DOH sa pagkakaroon ng gamot mula sa mga ito.