MANILA, Philippines – Magpapaulan ang shear line sa eastern section ng Northern Luzon habang ang easterlies ay makakaapekto sa natitirang bahagi ng bansa ngayong Miyerkules, Mayo 15, iniulat ng PAGASA.
Ang Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, at Aurora ay magkakaroon ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog dahil sa shear line na may posibleng pagbaha o pagguho ng lupa dahil sa katamtaman hanggang sa kung minsan ay malakas na pag-ulan.
Ang Metro Manila at ang nalalabing bahagi ng bansa ay magkakaroon ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may pulu-pulong mga pag-ulan o pagkidlat-pagkulog dahil sa easterlies na may posibleng pagbaha o pagguho ng lupa sa panahon ng matinding pagkidlat-pagkulog.
Sinabi ng weather bureau na ang heat index sa Metro Manila ay nasa danger level, sa 43 degrees Celsius sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), Pasay City station at 42 degrees Celsius sa Science Garden sa Quezon City.
Pinapayuhan ang publiko na mag-ingat laban sa heat cramps, heat exhaustion at heat stroke.
Sumikat ang araw bandang 5:28 a.m., habang lulubog ito ng 6:17 p.m. RNT