Home OPINION TANGGAP NA BA NATIN NA TAYO AY NINANAKAWAN?

TANGGAP NA BA NATIN NA TAYO AY NINANAKAWAN?

1
0

NAPAKATALAMAK ng katiwalian sa ating bansa. At winawasak nito ang mga likas na yaman, mga institusyon at imprastraktura.

Pero alam n’yo ba kung ano ang masakit? Pati ang ating mga dignidad at pananaw ay nasisira na rin.

Hindi naman ang pagnanakaw ang agad sumirira sa bansa. Tuluyan itong guguho kapag tinatanggap na natin ang mga pagnanakaw na ito.

‘Yung kinakampihan at ipinagtatanggol pa ang mga magnanakaw kahit harap-harapan na tayong ninanakawan.

Tapos, umaasa pa tayo sa tulong o ayuda nila. Kaya wala na silang maayos na serbisyo o ginagawang mabuti sa kanilang tungkulin.

Pinupuri natin ang mga pulitikong mga tunay na nananamantala sa atin.

Kapag mababa na ang pamantayan, hindi na sila kailangang magtago sa kanilang mga katiwalian. Kasi’y kahit kitang-kita na, ipinipikit na lang ang isa nating mata.

@@@

Heto pa ang masakit, tinitiis natin ang mga mali kaya nagmumukhang tama.

Namimihasa kasi tayo sa lagayan, padrino, at diskarteng labag sa batas.

Nagiging normal na lang ang pagbaluktot sa batas. Nananalo tuloy ang katiwalian dahil sa ating kawalan na ng ulirat.

Tinatanggap na kasi natin sa sarili na wala namang mangyayari kahit magreklamo. ‘Yun bang nawala na ang paniniwala na mahalaga ang ating boses.

Kaya kapag hindi na lumalaban, guguho talaga ang bayan.

@@@

Sa ilang bansa, nakaiinggit dahil totoong pinarurusahan ang mga magnanakaw, lalo kung sila ay pulitiko.

Sa sarili nating bayan, hinahayaan natin na tayo ay gahasain ng mga buhong na masisiba sa kapangyarihan. Sandaling nawawala pero bumabalik din sila. Nakabubuo pa ng dinastiya. Mula lolo hanggang sa apo, sila ay nakapwesto sa gobyerno.

Sasabihin mo ngayon, sa bansa natin ay wala nang pagbabago. E sino ba ang dapat sisihin? Hindi ba’t ikaw mismo?

@@@

At ang pinakamasaklap, ang ating bagong henerasyon ay nakikita ang katiwalian bilang normal na bahagi ng buhay.

Hindi na mailarawan kung ano ang isang maayos na pamamalakad sa gobyerno.

Para bang hindi na gumagana nang tama ang bansa.

Unti-unti, dahan-dahan, tahimik at hindi napapansin…nawawasak na ang ating bayan dahil pinamamahalaan na ng mga KORAP AT MAGNANAKAW!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here