Home OPINION BIR, MADALING MANINGIL, BAKIT MABAGAL MAGLINGKOD?

BIR, MADALING MANINGIL, BAKIT MABAGAL MAGLINGKOD?

2
0

NAKADIDISMAYA kapag ang simpleng transaksyon sa gobyerno ay nauuwi sa ilang araw o linggong paghihintay dahil sa mabagal na pagproseso at kakulangan ng koordinasyon.

Ito mismo ang aking naranasan sa BIR na nasa Maynila pagtatangkang mailipat ang aking mga rekord sa Batangas. Ilang ulit na sinuri ang aking mga dokumento, bukod pa sa pagpapabalik-balik sa ibang tanggapan para sa assessment, collection at legal clearances.

Sinabi sa akin na kwalipikado akong mag-avail ng tax penalty abatement. Kinuwenta at inihiwalay ang halagang sakop nito, saka ipinroseso ang bayaran sa bangko. Ngunit hindi isinabay ang iba pang bayarin, kaya umabot nang mahigit dalawang linggo ang aking pag-aasikaso.

Kinuwenta ang natitirang obligasyon, ilang beses na sinuri ang mga dokumento at saka ako pinapirma bago pinabayaran sa bangko. Pagkatapos magbayad, ibinalik ko ang mga papeles sa BIR para sa beripikasyon. Ngunit doon natuklasang mali ang petsa sa isa sa mga binayaran at kailangang itama ang entry sa database.

Susme! Ilang beses nang sinuri bago pinabayaran, saka lamang nakita ang pagkakamali. Isang linggo na ang lumipas, hindi pa rin naitatama ang rekord. Dahil dito, lalo pang naaantala ang paglilipat ng aking rehistro sa Batangas upang makapagpaimprenta ng opisyal na invoice.

Inang maawain! Lunes na naman, ngunit wala pa ring katiyakan kung matatapos ang proseso. Huwag naman sanang umabot pa ng Miyerkoles at maubos ang natitirang araw ko sa pag-aayos ng mga dokumento.

Teka nga, bakit hindi nakita ang pagkakamali bago ako pinagbayad at pinaghintay ng matagal? Hindi dapat ang taxpayer ang paulit-ulit na bumabalik dahil sa pagkukulang na naiwasan sana sa maayos na pagsusuri.

Hindi espesyal na pagtrato ang hinihingi ko, kundi mabilis, wasto at maayos na serbisyo. Mahigpit ang BIR sa pangongolekta ng buwis; nararapat lamang na maging kasinghusay nito ang pagproseso ng mga transaksyon.

Hay naku BIR, sabi nga ng kumare kong dalahira, madali raw kayong maningil ng buwis, pero mabagal sa paglilingkod.

Dapat tandaan ang taga-BIR na ang serbisyo publiko ay hindi pabor. Ito ay tungkuling dapat gampanan nang may husay, bilis at pananagutan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here