Home NATIONWIDE Tapyas-pondo sa DOTr may epekto sa infra project ng gobyerno

Tapyas-pondo sa DOTr may epekto sa infra project ng gobyerno

MANILA, Philippines – Magkakaroon ng kaunting epekto sa 16 infrastructure flagship projects (IFPs) ng Department of Transporation (DOTr) na kailangang ipatupad sa lalong madaling panahon ang pagbawas sa 2025 budget nito, sinabi ni Transport Secretary Jaime Bautista.

Habang aminado si Bautista, na ang DOTr ay dumanas ng ilang pagbawas sa badget nito mula sa mga foreign-assisted projects, mapopondohan pa rin nito ang mga flagship transport projects nito mula sa mga nalikom sa pautang o loan.

Ani Bautista na ang pagkuha ng mga ari-arian, right-of-way at site acquisition, pagpopondo, relokasyon ng mga pamilyang informal settler, paglilipat ng mga utility, at pagpaparehistro ng mga ari-arian ay ilan sa mga isyu na nagdudulot ng pagkaantala sa pagpapatupad ng mga flagship project ng DOTr.

Dagdag pa ng kalihim na bumuo na rin ng inter-agency committee para lutasin ang mga isyu tungkol sa right-of-way, na siyang “pinakamalaking problema” sa pagpapatupad ng mga proyektong pang-imprastraktura.

Ayon kay Bautista, binubuo ng DOTr, Department of Public Works and Highways, Department of Justice, Office of the Solicitor General, at Department of Human Settlements and Urban Development ang inter-agency committee.

Kabilang sa DOTr’s flagship projects ang North-South Commuter Railway, ang Metro Manila Subway Project, Metro Rail Transit (MRT) Lines 4 at 7, Light Rail Transit (LRT) Line 1 Cavite Extension, ang New Cebu International Container Port, Philippine National Railways (PNR) South Long Haul, Mindanao Railway, at ang New Dumaguete Airport Development.

Sinabi ni Bautista na nananatiling optimistiko ang kasalukuyang administrasyon na maipatutupad sa takdang oras ang mga flagship transportation projects. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)