MANILA, Philippines – Tinitingnan ngayon ng National Bureau of Investigation (NBI) ang yate na umano’y ginamit ng dinismiss na mayor ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo sa kanyang pag-alis sa bansa, sinabi ni Director Jaime Santiago nitong Martes.
“Ginagawa na po namin ‘yan. Ginagawa na po namin,” ani Santiago sa isang Balitaan sa Harbour View.
Ayon kay Santiago, bumuo na ang NBI ng “Task Force Alice Guo,” na siyang sumusubaybay sa lahat ng developments kaugnay ng dating alkalde.
Sa pagdinig ng Senado noong Lunes, sinabi ni Guo na umalis sila ng Pilipinas gamit ang mga bangka, simula sa isang yate sa Metro Manila.
Gayunpaman, tumanggi si Guo na ibunyag sa publiko ang pangalan ng taong nag-facilitate sa kanilang pagsakay sa yacht at ang may-ari nito.
Naalala lamang niya na ang yate ay may mga “pakpak” na sticker.
“Hindi niya nakita ‘yung number. Hindi niya nakita ‘yung pangalan nung yate. So we will see. We will see kung ano ‘yung yate na ‘yun,” dagdag pa ni Santiago.
Sa hiwalay na pagdinig ng Senado noong Agosto 27, sinabi ng inaakalang kapatid ni Guo na si Shiela Guo sa mga senador na umalis sila ng Pilipinas sa pamamagitan ng pagsakay sa ilang bangka. RNT