NAVOTAS – Nagsagawa na ng pagpupulong ang binuong Task Force Navotas Sanitary Landfill upang matukoy ang wastong mga hakbang para tuluyang masugpo ang sunog sa naturang landfill na mahigit limang araw nang nagpapatuloy.
Binubuo ang Task Force Navotas Sanitary Landfill ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan sa pangunguna ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Bureau of Fire Protection (BFP), Department of Public Works and Highways (DPWH), at lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Navotas.
Sa pulong balitaan na pinangunahan nina Mayor John Rey Tiangco at Congressman Toby Tiangco, isa-isang inilahad ng mga opisyal ang mga hakbang na ginagawa upang maresolba ang makapal at nakakasulasok na usok na nagmumula sa nasusunog na landfill. Dumalo rin sa briefing sina Municipality of Obando Mayor Leonardo Valeda at DENR Acting Secretary Atty. Juan Miguel Cuna.
Ayon kay Mayor Tiangco, tumutulong na ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan upang mapabilis ang pagtatambak ng buhangin sa mga patuloy na nasusunog na basura, upang hindi na makapasok ang oxygen na lalo pang nagpapasiklab sa apoy.
Sinabi rin niya na nananatiling malawak ang apektadong lugar, na sumasaklaw sa mahigit 40 ektarya ng isla, batay sa kuha ng drone na may thermal camera na pinalipad noong Miyerkules ng gabi at ipinahiram ni Manila Mayor Isko Moreno.
Ngayong Huwebes, inaasahang personal na bibisita sa lugar si DENR Secretary Vince Dizon matapos magpadala ng dredging machine na maaaring makatulong upang mapabilis ang pagtatambak ng filling materials sa nasusunog na landfill. Jojo Rabulan