Home OPINION TAUNANG INTERES NG CALAMITY LOAN PROGRAM BABABAAN NG SSS

TAUNANG INTERES NG CALAMITY LOAN PROGRAM BABABAAN NG SSS

258
0

INANUNSYO ng Social Security System (SSS) nitong Hulyo 23, 2025, na magpapatupad ito ng mas pinagaan na mga panuntunan para sa kanilang Calamity Loan Program bilang tugon sa mga na­apektuhan ng matinding pananalasa ng severe tropical storm Crising na nagpalakas sa Habagat.

Ayon kay SSS President at Chief executive Officer Robert Joseph De Claro, bababaan ng ahensya ang taunang interest rate ng calamity loans mula 10 porsyento patungong 7 pors­yen­to, bilang bahagi ng hakbang para mapalawak at mapagaan ang tulong-pinansyal sa mga miyembro.

“Kasunod ito ng pagbaba rin ng interest rate sa salary loans na naging 8 porsyento mula sa dating 10 porsyento, na ipina­tupad noong Hunyo 2025,” ani De Claro. Dagdag pa niya, ang naturang benepisyo ay nakalaan sa mga miyembrong may maa­yos na credit record, partikular sa mga hindi nakinabang sa pe­nalty condonation sa nakalipas na limang taon.

Bukod dito, pinadali rin ang loan renewal process. Ayon sa bagong panuntunan, maaari nang mag-renew ng calamity loan sa loob lamang ng anim na buwan, basta’t ang kasalukuyang utang ay hindi overdue.

Isa rin sa mga makabuluhang pagbabago ay ang pagpapabilis ng activation process ng Calamity Loan Program. Sa halip na isang buwan, pitong working days na lang ang hihintayin mula sa petsa ng deklarasyon ng kalamidad.

Gagampanan ng SSS Branch Operations Sector at ng International Operations Group ang mas aktibong papel sa proseso, at kailangang maisumite ang deklarasyon ng state of cala­mity sa loob ng dalawang araw mula sa petsa ng pagkakaloob nito.

Para makapag-avail ng prog­rama, kailangang may hindi ba­baba sa 36 monthly contributions ang miyembro, kung saan anim sa mga ito ay dapat nai-post sa loob ng huling 12 buwan bago ang buwan ng aplikasyon.

Noong 2024, halos Php 10 bilyon ang nailabas ng SSS para sa mahigit 560,000 miyembro.

Sa kasalukuyang taon, nakalaan ang P20 bilyon na pondo para makatulong sa mga miyembrong naapektuhan ng mga natural na sakuna.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here