LABANAN ng mga sikat sa mundo at ng mga lalaki at babae, ang naging labanan din sa halalan nina ex-President Donald Trump at Vice President Kamala Harris.
Ngunit lumilitaw na labanan sa ekonomiya ng mga ordinaryong mamamayan ang pinaka sa lahat ng isyu na nagpanalo kay Trump laban kay Harris.
Isa sa unang naging kapansin-pansin ang pagkampi ng negosyanteng si Elon Musk kay Trump at ng singer na si Taylor Swift kay Harris.
Parehong bilyonaryo ang mga ito ngunit higit na may empleyadong tagasunod at botante si Trump sa pagkakaroon ng mga kompanyang Tesla, Starlink satellite at social media na X kaysa sa mga empleyado at tagahanga ni Swift bilang singer.
Naging epektibo rin ang paggastos ni Musk ng mahigit $119 milyon para panghakot ng mga tao sa rally ni Trump, bukod sa impluwensya ng maka-Trump na kampanya sa 200 milyong user ng X, kumpara sa kawalan nito ni Swift para kay Harris.
Naharap din sa hamon ang mga botante sa liderato ng Amerika sa pagitan ng babae at lalaki at higit na pinaburan ng mga lalaki at babae si Trump at wala pa sa kaisipan ng karamihan ng mga babae na kapwa nila babae ang mamuno sa kanilang bansa.
Subalit sa lahat ng pag-aaral sa mga dahilan kung bakit nanalo si Trump, ang kakayahan nitong ayusin at pagaanin ang pamumuhay nila ang pinakamahalaga.
Naging sobrang pabigat umano sa mga Amerikano ang sobra umanong implasyon o pagtaas ng presyo ng mga kalakal at serbisyo sa panahon ni Pangulong Joe Biden, kasama ang VP niyang si Harris.
Simula noong mga taong 1980, ngayon lang tumaas nang sobra umano ang implasyon at hindi na kayang tapatan ng kanilang kita na dahilan ng kanilang paghihirap.
Dahil sa implasyon, tumaas din sa 20% ang renta nila sa bahay.
Sa Pinas, maaaring implasyon o pang-ekonomiyang usapin ang magdadala rin ng boto sa 2025 halalan at maging sa halalang 2028.
Ano sa palagay ninyo?