Home NATIONWIDE Teves nag-apply ng citizenship, political asylum sa Timor-Leste

Teves nag-apply ng citizenship, political asylum sa Timor-Leste

MANILA, Philippines – Isiniwalat ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin C. Remulla nitong Biyernes, Hunyo 2 na nag-apply umano si Negros Oriental 3rd District Rep. Arnolfo “Arnie” Teves Jr., na tinaguriang “isa sa mga utak” sa pagpatay kay Gov. Roel R. Degamo, ng citizenship sa Timor-Leste.

Sinabi rin niya na si Teves ay may nakabinbing apela sa Korte Suprema (SC) ng Timor-Leste sa tinanggihang kahilingan ng mambabatas na mabigyan ng asylum, “isang legal na paraan para sa mga tao ng iba’t ibang nasyonalidad upang humingi ng proteksyon ng ibang mga pamahalaan.”

“Actually, I don’t know the legal process of Timor-Leste but they have a legal system that works so he’s at the Supreme Court now,” dagdag na pagbubunyag ni Remulla.

“Citizenship was also on the table but I know more of the political asylum they are applying for,” aniya pa.

Nagsampa ng reklamo ang National Bureau of Investigation (NBI) laban kay Teves para sa 10 counts ng murder, 14 counts ng frustrated murder at apat na counts ng attempted murder. Huling iniulat ng DOJ na susuriin ang reklamo.

Sinabi ni Remulla na noong unang bahagi ng Mayo, dumating si Teves sa Timor-Leste mula sa Singapore.

“Nakakuha sila ng private plane. Iyon ang ibinigay na intelligence report sa amin at 13 sila doon sa private plane na sinakyan nila,” ani Remulla. RNT

Previous articleAlert Level 2 sa Bulkang Taal, ibinabala!
Next articlePagpatay sa OrMin brodkaster, isolated case lang – PNP chief