MUKHANG palaban na talaga si Negros Oriental 3rd District Representative Arnolfo “Arnie” Teves, Jr. dahil hindi lang si Secretary of Justice Crispin Jesus “Boying” Remulla ang kinakalaban niya kundi maging si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ay kinalampag na rin niya sa kanyang pagresbak.
Muli kasing uminit ang ulo ng matapang na suspendidong mambabatas nang paratangan siyang muli ng pagkakasangkot naman sa iligal na droga lalo na’t inamin na niya noon kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na dati siyang nahumaling dito pero tumigil at nagbagong buhay na.
Sa kanyang pinakahuling banat sa kanyang Facebook live, hinamon ni Teves sina Remulla at maging si Pangulong BBM na kung mapatutunayang may kinalaman siya sa iligal na droga, sampahan na lang siya ng kaso at huwag naman sanang magtanim nang magtanim ng ebidensiya.
Sarkastiko pang sinabi ni Teves na kung nais magtanim ng administrasyon, huwag siya ang gamiting taniman at sa halip ay sa bukid sila magtanim nang sa gayon ay makatulong pa sa magsasaka at taumbayan.
Ibinulgar din ni Teves ang aniya ay operasyon ng “Shabuyas” sa bansa kung saan ang mga parating na imported na sibuyas ay hinahaluan daw ng shabu.
Anang mambabatas, kahit ang mga K-9 dog ay hindi kayang matunton ang shabu kapag hinalo sa sibuyas dahil natatalo ng amoy ng sibuyas ang amoy ng iligal na droga.
Binanggit din ni Teves ang isang alias “Bebot Nolan”, na nagsasabing malapit siya sa Pangulo , ang may malaking ginagampanang papel sa pagpasok ng mga shabuyas sa bansa.
Dahil live sa kanyang FB account ang mga binitiwang mga akusasyon ni Teves, may mga reaksyon kaagad ang netizens na sumasang-ayon sa mga ibinunyag.
Malaking dagok daw sa administrasyon ni PBBM kung totoo ang mga rebelasyon ni Teves at kung may bahid ito ng katotohanan hindi magiging maganda ang imahe ng Pangulo.
Dating may simpatiya si Teves kay PBBM at umiiwas siyang magsalita nang kung ano-anong akusasyon laban sa Pangulo noong pumutok na ang kanyang pangalan bilang pangunahing suspek o mastermind sa pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo.
Pero nagsimulang lumamig ang simpatiya ng suspendidong kongresista sa Pangulo nang igiit ang pagbabalik niya sa bansa upang harapin ang mga akusasyon laban sa kanya.
Hamon pa ni Teves, kung nais ng administrasyon na maglabasan sila ng akusasyon, ‘game na game’ siya basta’t huwag lamang mag-iimbento at magtatanim ng ebidensiya laban sa kanya.
Todo suporta din umano ang mga kababayan nito sa Negros sa kabila ng nangyayaring trial by publicity sa mambabatas.