MANILA, Philippiens – Nanawagan si Navotas City Rep. Toby Tiangco sa mga embahada ng Pilipinas sa ibang bansa na agad hanapin at pauwiin si dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co, kasunod ng anunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na kanselado na ang pasaporte nito.
Ayon kay Tiangco, ang naging direktiba ng Pangulo sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Philippine National Police (PNP) na makipag-ugnayan sa mga embahada ay mahalagang hakbang upang matiyak na hindi makapagtatago sa ibang bansa ang mga indibidwal na hinahabol ng pamahalaan.
“Welcome development ang announcement ni President Bongbong Marcos na kanselado na ang passport ni Zaldy Co. Sa wakas, natapos ang napakahabang paghihintay,” ani Tiangco.
“Matagal na nating hinihingi ito dahil malinaw ang mga batayan. Kung may ‘passport to freedom’ dati, mukhang may one-way ticket to accountability na ngayon,” dagdag pa ng kongresista.
Binigyang-diin ni Tiangco na tungkulin ngayon ng mga Philippine Embassy sa iba’t ibang bansa na gamitin ang lahat ng paraan upang matunton si Co at maibalik siya sa Pilipinas upang harapin ang kaniya-kaniyang kaso.
“Patuloy tayong magbabantay para masiguro na haharap si Zaldy Co sa hustisya. Suportado natin ang mga hakbang para mapanagot ang lahat ng nang-abuso sa tiwala at pondo ng mamamayang Pilipino,” wika niya. Jojo Rabulan