Manila, Philippines – PINURI ng Sin Tax Coalition ang Kamara sa desisyon nitong itigil na ang pagtalakay sa House Bill 11279 na naglalayong bawasan ang buwis sa sigarilyo at alak dahil pananabotahe lamang umano ito sa umiiral na Sin Tax Reform Law.
Pinasalamatan ng Coalition sina Speaker Martin Romualdez at House Ways and Means Committee chairman, Albay Rep. Joey Sarte Salceda at Reps. Stella Quimbo at Ray Florence Reyes na ayon sa grupo ay sadyang marunong makinig sa boses at opinyon ng publiko.
Ang Sin Tax Coalition ay binubuo ng mga propesyunal sa medisina at kalusugan, at mga “civil society organizations” na nagsusulong ng mga adbokasiyang pangkalusugan ng mga Pilipino.
Kasama sa isinusulong nila ang mataas na buwis sa sigarilyo at alak upang huwag malulong sa mga ito ang mamamayang Pilipino.
Ang HB11279 ay inihain ni Ilocos Sur Rep. Kristine Singson-Meehan. Layunin umano nito ang lumikom ng karagdagang pondo sa implementasyon ng Universal Health Care Law sa pamamagitan ng pagbawas sa buwis sa sigarilyo at alak kung saan tinawag ito ng Coalition na “Sin Tax Sabotage Bill.”
Sa isang pahayag kamakailan, sinabi ng Sin Tax Coalition na malakas at malinaw ang boses ng maraming sektor na ang pagbawas sa buwis ng mga produktong tabako ay aakit lamang ng higit na nakararaming naninigarilyo at mga mamatay dahil dito.
Ayon sa World Health Organization, ang sigarilyo ay pumapatay sa higit sa halahati ng mga gumagamit nito.
“Ang malawak na loobin laban sa anumang pagtatangka na sabotahiin ang Sin Tax Reform Law ay makaka-apekto sa larangan ng pulitika, kasama na ang resulta ng halalan, kaya muli, nagpapasalamat kami sa tamang desisyon ng pamunuan ng Kamara na ipatigil ang mga takakayan sa mga panukalang batas na tiyak na sisira sa bayan,” giit na pahayag ng Coalition.
“Nananawagan din kami sa Ehikutibo na igalang ang desisyon ng Kamara sa pagpapatigil sa pagdinig sa naturang panukalang batas. Pinupuri din namin ang Department of Health at si DOH Secretary Ted Herbosa sa pagbibigay niya ng diin sa kahalagahan ng kalusugan at pagtatanggol niya sa Sin Tax Reform Law,” dagdag ng Coalition.
Hinikayat naman ng Coalition ang Kamara, lalo na ang mga “sponsors” ng HB 11286 o ang “Anti-Illicit Tobacco Trade Bill,” na tumulong sa pagbalangkas ng naturang “bill” na labanan ang anumang pagtatangka ng mga taong mula sa industriya ng tabako na isingit ang nais nilang mga amyenda sa HB 11286 na magpapababa sa buwis at magpapahina sa “inflation indexation.”
“Sa pang-huli, nananawagan din kami kay Finance Secretary Ralph Recto na manatili siyang tapat sa mandato ng Department of Finance na protektahan ang ating integridad sa pananalapi at lolo pang pahusayin ang ating ‘revenue collection’ at huwag nawa siyang maging ahente ng ‘tobacco industry’ sa pamamagitan ng pagsuporta sa mga panukalang sisira sa ‘inflation indexation’ at hindi akmang pagpapababa sa buwis,” pagtatapos ng pahayag ng Coalition. RNT