Home NATIONWIDE Timeline para sa disclosure process sa kaso ni Duterte inilatag ng ICC

Timeline para sa disclosure process sa kaso ni Duterte inilatag ng ICC

MANILA, Philippines- Ipinag-utos ng Pre-Trial Chamber I ng International Criminal Court (ICC) sa prosekusyon at defense teams sa kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na ilahad ang mga ebidensya sa susunod na buwan, bago ang nakatakdang confirmation of charges hearing sa Setyembre.

Sa kautusan noong March 21, inatasan ng Pre-Trial Chamber ang prosekusyon at defense na ilatag ang dami at uri ng mga ebidensyang balak nilang iprisinta, kasama ang prescribed timeline.

Inatasan ang prosekusyon na isumite sa April 4, 2025 ang impormasyon sa kabuuang bilang ng written pieces of evidence, kung balak nitong bumase sa iba pang non-written pieces of documentary evidence, at kung ilang testigo at testimonya ang ipiprisinta nito.

Gayundin, kailangan din nitong ipaalam kung paano nito hihilingin ang protective measures para sa potential witnesses, at kung ipagpapatuloy ang imbestigasyon kay Duterte at kung paano ito makaaapekto sa disclosure process.

Para sa team ni Duterte, binigyan sila hanggang April 11, 2025 upang magsumite ng obserbasyon sa impormasyon na isusumite ng prosekusyon. Kailangan din nilang sagutin kung  kung magpiprisinta sila ng ebidensya o tatawag ng sariling testigo sa confirmation hearing.

Hinggil sa partisipasyon ng mga biktima, binigyan ng ICC ang Registry hanggang April 2, 2025 upang maghain ng obserbasyon kaugnay ng applications for participation ng mga biktima, kabilang ang admission process, proof of identity documents, at legal representation sa present proceedings. Ang mga kampo ay binigyan hanggang April 11, 2025 upang tumugon.

Lumabas sa police records na pumalo ang bilang ng mga nasawi sa drug war sa 6,000, subalit base sa human rights groups, posibleng umabot ito hanggang 30,000, kabilang ang umano’y vigilante killings.

Si Duterte, ilang beses na sinabing aakuin niya ang buong pananagutan sa kanyang kampanya laban sa ilegal na droga, ay dinala sa The Hague sa The Netherlands nitong buwan para sa paglilitis sa crimes against humanity. RNT/SA