Home NATIONWIDE TIN verification pwede na online!

TIN verification pwede na online!

MANILA, Philippines – IPINAHAYAG ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na hindi na kailangang bumisita sa kanilang mga opisina ang mga bagong empleyado upang i-verify ang kanilang Taxpayer Identification Number (TIN).

Sa isang memorandum circular, sinabi ng BIR sa mga employer na maaari nilang i-verify ang TIN ng kanilang mga empleyado sa pamamagitan ng Online Registration and Update System (ORUS) sa https://orus.bir.gov.ph/search/tinverification o ang BIR Chatbot Review.

Tiniyak ng BIR na ang resultang ibibigay ng ORUS o Revie ay itinuturing na sapat para sa mga layunin ng pag-beripika.

Nabatid na ang mga Revenue District Offices (RDOs) ng BIR ay hindi magpapaunlak sa mga empleyadong gustong kunin ang kanilang TIN verification slip, maliban sa mga sumusunod na dahilan: hindi available ang online TIN Verification facility o may prompt message na kailangan ng user na bisitahin ang RDO; may pangangailangan ang BIR peraonnel na ma-verify ang kawastuhan ng impormasyon sa pagpaparehistro ng taxpayer; may existing na TIN o rekord ang taxpayer; at nagmamay-ari ng maramihan o magkaparehong TIN.

Sa kabilang banda, ipinatupad na rin ng BIR ang Digital Taxpayer Identification Number (DTIN).

Ito ay para maiwasan ang mahabang pila sa kanilang mga opisina at para maiwasan din na magkaroon ng invalid o pekeng TIN.

Pinaalalahanan ng BIR na ang DTIN ID ay libre at hindi ibinebenta.

Para maka-avail ng DTIN, sinabi ng BIR na kailangang i-update ng mga nagbabayad ng buwis ang kanilang email address sa Revenue District Office kung saan sila nakarehistro.

Ang mga nagbabayad ng buwis ay kinakailangan ding magsagawa at magsumite ng Form S1905 – Registration Update Sheet sa pamamagitan ng pagpapadala ng email sa kanilang mga kinauukulang RDO o sa pamamagitan ng eServices-Taxpayer Registration Related Application Portal ng BIR.

Inaatasan ng bureau ang mga nagbabayad ng buwis na mag-upload ng larawan para sa digital TIN ID; ito ay dapat na malinaw, naaangkop, at kamakailang mga larawan na katulad ng indibidwal na tumpak. Jay Reyes

Previous articleKakulangan ng organ donor sa Pinas pinaliwanag ng DOH
Next article2 Israeli missile boat kokomisyunin ng PH Navy sa Marso