Home METRO Tindahan ng gadget nilooban, 2 arestado

Tindahan ng gadget nilooban, 2 arestado

MANILA, Philippines – Arestado sa joint follow-up at hot pursuit operation ang dalawa sa pitong suspek sa panloloob ng isang tindahan sa Jose Abad Santos, Tondo, Maynila.

Ikinasa ang operasyon sa tulong na rin ng CCTV ng Barangay 252 kung saan naiwan ang backpack ng isa sa mga suspek kaya natukoy ang kanilang pagkakilanlan.

Sa imbestigasyon ng pulisya, pasado alas-2 ng madaling araw nang looban ang establisyimento noong Hulyo 10 kung saan gumamit ng vault cutter ang mga suspek.

Nang makulimbat ang mga gadgets, tumakas ang mga suspek gamit ang isang toktok at isang motorsiklo.

Laglag sa kamay ng mga awtoridad ang dalawa sa pitong suspek sa panloloob sa tindahan ng mga cellphone at gadget sa Jose Abad Santos sa Tondo Maynila.

Naaresto si Alinor Amir sa Paranaque at isa pang hindi na pinangalanan ng pulisya at narekober ang mga kinulimbat na limang pirasong Iphone at mahigit 300 pirasong iba pang gadget. Narekober din ang getaway vehicles na Toktok.

Nasa P5.1 milyon halaga ng iPhone ang natangay ng mga suspek kung saan may lima pang pinaghahanap na mga suspek. Jocelyn Tabangcura-Domenden