MANILA, Philippines- Dinala ni Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino ang kanyang reelection campaign sa iba’t ibang lokalidad mula Central Luzon hanggang sa Southern Tagalog nitong mga nakaraan.
Sa kanyang pagtatalumpati sa magkahiwalay na political assemblies sa Porac, Pampanga; Tanauan, Batangas; at Biñan, Laguna, umapela si Tolentino sa mga botante na pumili ng mga kandidatong may integridad, track record, at malinaw na plataporma ng pamamahala.
“Ang pang-araw-araw na problema at alalahanin ng mga ordinaryong Pilipino ay pare-pareho, saanman sila naroroon.
Ganun din, nakatali sila sa mga karaniwang mithiin, tulad ng maginhawang buhay, edukasyon para sa kanilang mga anak, at pagkakaroon ng trabaho para sa kanilang sarili at mga miyembro ng kanilang pamilya,” ipinunto ni Tolentino.
“Kaya, napakahalaga na ang mga botante ay pumili ng mga pinunong may integridad, track record, at malinaw na plataporma ng pamamahala. Dapat nilang isama ang mga pangarap at adhikain ng karaniwang Pilipino para sa kanilang pamilya, komunidad, at bansa,” iginiit ng senador.
Ibinahagi rin ng senador ang kanyang mga gagawing hakbang gaya ng pagsusulong na maibaba ang mga gastusin sa pamilihan, bayarin sa kuryente at internet.
Si Tolentino ang pangunahing may-akda ng Senate Bill 2970, na naglalayong ilibre ang kuryente at internet sa 12% value added tax (VAT).
Siya rin ang sumulat at nag-isponsor ng Philippine Maritime Zones Act (Republic Act 12064), na naglalayong pahusayin ang mga karapatan sa soberanya ng bansa sa teritoryo nito at eksklusibong sonang pang-ekonomiya – kabilang ang mayaman sa resources na West Philippine Sea at Talampas ng Pilipinas (dating Benham Rise), na matatagpuan sa silangang seaboard ng bansa. RNT