MANILA, Philippines – Malapit nang matapos ang maintenance cleanup sa San Juan River matapos alisin ang mahigit 116,000 metrikong tonelada ng basura at putik sa nakalipas na 10 buwan.
Ayon sa San Miguel Corporation (SMC), umayos ang daloy ng tubig sa ilog at nabawasan ang panganib ng pagbaha sa San Juan, Manila, Mandaluyong, at Quezon City.
Muling sinimulan ng SMC ang paglilinis noong Setyembre 2025 matapos muling dumami ang basura sa ilog. Sa ngayon, nalinis na ang 6.1 kilometrong bahagi ng San Juan River mula Pasig River hanggang Talayan, Quezon City.
Sinabi ni SMC Chairman at CEO Ramon Ang na ipagpapatuloy nila ang regular na paglilinis upang maiwasan ang muling pag-ipon ng basura at putik, lalo na ngayong tag-ulan.
Mula 2022 hanggang 2024, nakapag-alis na ang SMC ng humigit-kumulang 322,000 metrikong tonelada ng basura at putik sa buong 7.6 kilometrong kahabaan ng San Juan River.
Patuloy rin ang paglilinis ng SMC sa iba pang mga ilog sa Cebu, Bulacan, Laguna, at Metro Manila bilang bahagi ng programang Better Rivers PH upang makatulong sa pagbawas ng pagbaha. RNT/MDS