Home METRO Nasagip na PH eagle sa Bukidnon, patuloy na nagpapagaling

Nasagip na PH eagle sa Bukidnon, patuloy na nagpapagaling

1
0

DAVAO, Philippines – Patuloy na gumagaling ang Philippine Eagle na si Sawaga-Dalwangan at inilipat na ito sa isolation at rehabilitation facility ng Philippine Eagle Center sa Davao City, 15 araw matapos itong masagip.

Sa isinagawang checkup bago ang paglipat, natuklasan ng mga beterinaryo ang panibagong sugat mula sa air gun pellet sa kaliwang hita ng agila. Nauna na ring natanggal ang isa pang pellet na tumama sa pakpak nito, habang ang pellet sa hita ay nangangailangan ng operasyon dahil malalim ang pagkakabaon.

Nasagip ang agila noong Hulyo 3 sa kagubatan ng Barangay Dalwangan, Malaybalay City, Bukidnon, at isinuko sa DENR, na kalaunan ay ipinasa ito sa Philippine Eagle Foundation (PEF).

Ayon sa mga beterinaryo, kritikal ang kalagayan ng agila nang ito ay matagpuan dahil sa mga sugat at uod sa katawan nito. Matapos ang dalawang linggong gamutan, unti-unti na itong nakabawi at naging mas malakas.

Negatibo rin sa Newcastle Disease at Avian Influenza ang agila kaya pinayagan na itong ilipat sa Philippine Eagle Center.

Patuloy pang hinihintay ng PEF ang resulta ng DNA test upang matukoy ang kasarian ng agila. Nilimitahan na rin ang pakikisalamuha ng tao rito upang mabawasan ang stress at mapanatili ang likas nitong pag-uugali sa kagubatan.

Nanawagan din ang PEF ng mas malalim na imbestigasyon sa nangyari kay Sawaga-Dalwangan matapos makitang matagal umano itong nagdusa bago ito nasagip. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here