Home METRO Transport group nagpasaklolo sa gobyerno sa dumaraming motor taxi

Transport group nagpasaklolo sa gobyerno sa dumaraming motor taxi

(c) Danny Querubin/Remate News Central

NAGPAPASAKLOLO na ang malaking transport group sa bansa kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagdami ng mga motorcycle taxi sa Metro Manila at iba pang urban areas, na anila ay kumakain na ngayon ng hindi bababa sa 50 porsiyento ng kanilang kita araw araw.

Sinabi ni ALTODAP President Boy Vargas na ang masamang epekto ng inilarawan niyang hindi makontrol na pagdami ng mga motorcycle taxi ay isa na ngayon sa mga pangunahing alalahanin hindi lamang sa loob ng kanilang organisasyon kundi maging sa iba pang transport groups.

“Padami nang padami ang mga motorcycle taxi hindi lang sa Metro Manila dahil ito ay sinusubaybayan din ng aming mga miyembro sa ibang malalaking syudad sa ating bansa at talagang matinding epekto ang idinudulot nito sa ating mga tsuper at operator,” ani Vargas.

“Lumalabas kase na parang wala ng ipinapatupad na regulasyon dahil kahit sino na lang may motor ay puwede na. Yung iba ngang nabalitaan namin ay kumukuha ng hulugang motor para lang maging motorcycle taxi,” dagdag pa nito.

Nanawagan din si Vargas kay House Speaker Martin Romualdez na tulungan ang transport group kahit man lang sa pag-regulate ng mga motorcycle taxi.

“Hindi lang ito gagamit ng epekto sa atin ng mga transport groups, ito rin ay isyu ng trapik at kaligtasan ng mga pasahero lalo na at marami din sa mga motorsiklo na ito ay iligal na namamasada,” ani Vargas.

Ayon sa LTFTRB, tatlong motorcycle ride-hailing company lamang ang pinapayagang mag-operate ngunit sinabi ng mga transport group na ang pagdagsa ng mga motorcycle taxi ay manipestasyon ng kahirapan o pagkabigo sa regulasyon.

Idinagdag pa ng transport group, ang pagdami ng mga motorcycle taxi ay nangyayari sa panahon kung saan ang gobyerno ay dapat na magsasagawa ng pilot study sa posibilidad nito.

“Kung pilot study pa lang, bakit andami na at hindi na makontrol? Hindi ba dapat kung pinag-aaralan pa lang ay dapat kontrolado ang bilang ng mga ito.,” ani Vargas.

“Sana stick na lang tayo sa kung anong numero ngayon ng motorcycle taxi,” aniya pa.

Kaugnay nito hinimok ng mga transport group ang LTFRB na ihinto ang pag-accredit ng mas maraming motorcycle taxi dahil mas maraming accredited ang mga motorsiklo, mas malaki ang epekto nito sa iba’t ibang transport groups.

Nanawagan din sila ng masusing konsultasyon sa lahat ng stakeholders hinggil sa operasyon ng mga motorcycle taxi. (Santi Celario)