
BILANG isla, ang Bohol ay napapaligiran ng magagandang beaches. Ipinagyayabang nito ang mga puting buhanginan sa kanyang mga dalampasigan.
Ang Chocolate Hills naman na lalong nagpasikat sa probinsiya na binubuo ng 1,776 na mga burol o’ hills na magandang sipatin kung ikaw ay nasa tinatawag na Sagbayan Peak at Carmen, sa Batuan.
Kaya chocolate hills ang tawag dito, natutuyot ang mga halaman dito kapag tag-init at parang mga burol ng tsokolate ito tingnan. Kapag tag-ulan naman, luntian ang kanilang mga kulay.
Nitong huli, nadagdagan ng iba’t ibang kulay ang tanawin sa Chocolate Hills, kulay ng bahaghari o rainbow ang nadagdag, at malawak na bughaw o’ asul na kulay dahil sa malaking swimming pool na puno ng tubig ang bumulaga na ikinagalit at nagpataas ng kilay ng lahat.
Isang malaking resort na pala ang naitayo sa isang parte ng malawak na area ng Chocolate Hills, na ayon sa mga ahensya nating taga-bantay ng kalikasan ay ‘di dapat naroroon.
Paanong hindi dapat na naroroon ang Captain’s Peak Resort? Eh, naitayo na nga! At ang sabi ng karamihan sa lugar noong 2019 pa nagsimula.
May nagbulag-bulagan kaya sa mga lokal at nasyunal na mga opisyal? O talagang binulag sila ng salapi ng may-ari ng resort kaya naitayo ito sa tinatawag na ‘protected area.’
Protected dahil pinangangalagaan ang likas na yamang naroroon. Walang sinoman, ang pwedeng sumira ng magandang tanawain iyon, ang pinaka-ibig sabihin.
Kung bakit naitayo, at paanong naitayo? Iyan ay sasagutin na naman ng mga magigiting nating opisyal na walang ibang ginawa kundi mag-imbestiga. At kalaunan ay malilimutan din nating lahat kung ano na ang nangyari.
Ang mahalaga, sumikat ang mga nagpatawag ng imbestigasyon, at ang mga may kagagawaan naman ay sumuka pa uli ng pera para tumahimik na ang lahat.
Ang tanong ay ito – kailan matatapos ang trobol sa Bohol?