KAPAG bigla kang natumba o nangisay habang nakahiga dahil sa init ng katawan na iyong nararamdaman, heat stroke na ‘yan.
Maaaring maitakbo ka pa sa ospital at mabuhay o maaaring dead on the way o arrival ka.
Ang heat stroke ay sinasabing titira kung umabot na sa 51 degrees centigrade ang init ng katawan o maaaring galing sa paligid at kumapit sa katawan ng tao.
Diyan sa 40-42 degrees centigrade, eh, kombulsyon na ang abutin ng tao, ‘di lalo na kung 51 na ‘yan o mas mataas pa?
Sa ngayon, naglalaro pa lang ang init sa katawan ng tao sa 42-44 sa ilang lugar sa bansa.
Kasama rito ang NAIA Pasay City, Metro Manila; Iba, Zambales: Alabat, Quezon; Calapan, Oriental Mindoro; San Jose, Occidental Mindoro; Puerto Princesa City, Palawan; Aborlan, Palawan; Roxas City, Capiz; Mambusao, Capiz; Iloilo City, Iloilo; at Dumangas, Iloilo.
KASAGSAGAN SA MAYO
Sinasabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration na sa Mayo pa ang kasagsagan ng init na maaaring doon mararanasan ang heat stroke.
Pero hindi dapat magpakampante ang sinoman dahil may mga taong sa mahigit kwarenta lang na init, maaaring mamatay na ito.
Matitibay lang ang katawan ng mga may kayang humarap sa 51 degrees pataas.
Ang pasalamatan natin, parang hindi tayo nalalayo sa mga African na inaabutan ng nasa 60 degrees ngunit buhay pa rin.
Ito’y dahil halos nasa sentro tayo ng parte ng mundo na nasa gitna at direktang tinatamaan ng init ng araw na pinalala ng mainit na kapaligiran, lalo na sa mga kalunsuran na umiinit sa polusyon, lalo na mula sa buga ng tambutso ng mga sasakyan.
Pagdating ng Mayo, mga Bro, sakaling magkatotoo ang sinasabi ng PAGASA, dapat na mag-ingat lahat at lumaban sa sobrang init at heat stroke lalo’t lalawak ang sakop ng napakainit na panahon.
MAGSOMBRERO, UMINOM NG MARAMING TUBIG
Kapag nasa labas ng bahay tayo at naglalakad sa mga kalsada o kaparangan o walang puno o gusaling lugar, dapat minimum na may takip ang ating mga ulo gaya ng mga sombrero, payong, dahon ng saging o gabi at iba pa.
Dapat din tayong magbaon ng tubig na pupwede nating inumin o ibuhos sa ating mga ulo kung kinakailangan.
Habang nasa loob ng mga bahay, pupwede magbukas ng mga bintana, bentilador, aircondition o anomang bagay o paraan para lumamig ang loob ng bahay.
Pwede ring tumambay lang sa labas na may mga silong o puno.
PAANO KUNG MAY MA-HEAT STROKE?
Dapat itakbo agad ang pasyente sa ospital at huwag ipasok sa bahay…kung walang doktor o walang anomang paraan na gumaan ang kalagayan ng pasyente.
Sa ospital, bahala na ang mga doktor na gumawa ng paraan.
Sa mga wala nang pag-asa at sa kalaunan, nasasawi, siyempre pa, wala na tayong magagawa kundi ilibing o ipa-cremate sila.
Pero ang maganda, karaniwan namang nasasalba ang mga nahi-heat stroke at bumabalik sa dating sigla ng kanilang katawan.