Home METRO Truck driver sinaksak ng nakaalitang e-trike driver

Truck driver sinaksak ng nakaalitang e-trike driver

MANILA, Philippines – NASA malubhang kalagayan ang isang truck driver matapos saksakin ng nakaalitang e-trike driver sa kalsada sa Malabon City.

Inoobserbahan sa Caloocan City Medical Center sanhi ng tinamong saksak sa kanang braso at ibabang bahagi ng kanang dibdib ang biktimang si alyas “Jojo’, 33 ng Parola Compound, Area B Gate 13, Tondo Manila.

Pinaghahanap naman ng mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 2 ang suspek na si alyas “Maui”, 31 ng Concepcion St., Brgy. Tugatog.

Sa imbestigasyon nina PSSg Bengie Nalogoc at PSSg Michael Oben, dakong alas-9:50 ng gabi, minamaneho ng biktima ang isang Fuso Truck sa kahabaan ng M.H. Del Pilar St., Brgy. Tugatog nang businahan niya ang suspek na nagmamaneho ng E-trike at binabagtas din ang nasabing lugar para maiwasan ang posibleng banggaan.

Nagalit ang suspek at nauwi ang mga ito sa komprontasyon kung kaya bumaba ang biktima sa kanyang saksakyan subalit, nang pabalik na si ‘Jojo’ sa truck ay bumunot ng patalim si ‘Maui’saka sinaksak siya sa braso at dibdib.

Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang suspek patungo sa hindi matukoy na direksyon habang isinugod naman ang biktima sa nasabing pagamutan ng nagmalasakit na E-trike driver. Rene Manahan

Previous article453 kaso ng whooping cough naitala ngayong 2024 – DOH
Next articleLegalisasyon ng medical marijuana, hinihimay na sa plenaryo ng Senado