Home NATIONWIDE 453 kaso ng whooping cough naitala ngayong 2024 – DOH

453 kaso ng whooping cough naitala ngayong 2024 – DOH

MANILA, Philippines – Iniulat ng Department of Health (DOH) ang pagtaas sa mga kaso ng pertussis o whooping cough sa unang 10 linggo ng 2024 kumpara sa parehong panahon noong mga nakaraang taon.

Sa isang pahayag, sinabi ng DOH na mayroon lamang 52 pertussis cases sa unang 10 linggo ng 2019, 27 noong 2020, 7 noong 2021, 2 noong 2022 at 23 noong 2023.

Gayunman, ito ay kapansin-pansing tumaas dahil ang bilang ng mga kaso ng pertussis sa unang 10 linggo ng taon ay nasa 453 na.

Ayon sa DOH, ang pertussis ay “highly contagious” bacterial respiratory infection na nagpapakita ng mga sintomas tulad ng lagnat, sipon at ubo –- pito hanggang 10 araw pagkatapos ng pagkakalantad.

Ito ay nagagamot ng antibiotics at maiiwasan sa pamamagitan ng pagbabakuna.

Binanggit ng DOH na apat na taon mula nang magsimula ang COVID-19 pandemic, ang ahensya ay maagap na nakikipagtulungan sa mga local government units at partners nito upang palakasin ang pagbabakuna ng publiko para sa mga sakit na maiiwasan sa bakuna tulad ng pertussis.

Ang pertussis ay isang sakit na dulot ng Bordetella pertussis bacteria na karaniwan sa mga sanggol at bata. Jocelyn Tabangcura-Domenden