Home NATIONWIDE Trump nagsabi kay Putin, handang tumulong sa Ukraine conflict

Trump nagsabi kay Putin, handang tumulong sa Ukraine conflict

1
0

RUSSIA – Sinabi ni US President Donald Trump kay Russian President Vladimir Putin na mahalagang matuldukan na ang digmaan sa Ukraine at handa siyang tumulong upang maisulong ang usapang pangkapayapaan.

Ayon kay Kremlin foreign policy adviser Yuri Ushakov, tumagal ng 55 minuto ang pag-uusap ng dalawang lider noong Linggo.

“As regards the Ukrainian conflict, Donald Trump again emphasised that a cessation of hostilities was vital,” ani Ushakov.

Dagdag pa niya, sinabi ni Trump na handa siyang makipagtulungan sa mga bansa sa Europe at sa pamahalaan ng Ukraine, kabilang ang pakikilahok sa mga talakayan sa G7 Summit na ginaganap sa Evian, France.

Ayon pa kay Trump, ang mabilis na pagresolba sa sigalot ay magbubukas ng panibagong yugto ng mas maayos na relasyon sa pagitan ng Estados Unidos at Russia.

Samantala, sinabi naman ni Putin kay Trump na hindi umano magbabago ang sitwasyon sa larangan ng digmaan kahit pa paigtingin ng Ukraine ang mga pag-atake nito sa mga target ng Russia.

Iginiit din ng Kremlin na posibleng maglatag ang mga bansang Europeo at si Ukrainian President Volodymyr Zelenskiy ng mga panukalang maaaring magpatagal pa sa labanan.

Sa kabilang banda, naniniwala si Zelenskiy na ang kasalukuyang sitwasyon sa battlefield ay nagbibigay ng pagkakataon upang maisulong ang isang kasunduang pangkapayapaan.

Inihayag din ni Ushakov na inaasahang muling bibisita sa Russia sina US envoys Steve Witkoff at Jared Kushner, na nangunguna sa mga negosasyong isinusulong ng Washington para wakasan ang digmaan sa Ukraine.

Bukod sa usapin ng Ukraine, tinalakay rin nina Trump at Putin ang sitwasyon sa Iran.

Ayon kay Ushakov, sinabi ni Trump na malapit nang makamit ang isang kasunduan kaugnay ng alitan sa Iran at posibleng mailabas na agad ang resulta ng mga negosasyon.

Nagpahayag naman si Putin ng kasiyahan sa posibilidad na mapigilan ang paglala ng tensyon sa rehiyon.

Sa kanilang pag-uusap, binati rin umano ni Putin si Trump sa ika-80 kaarawan nito at pinuri si First Lady Melania Trump sa mga pagsisikap nitong makatulong sa muling pagsasama ng mga pamilyang naapektuhan ng digmaan sa Ukraine. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here