BULACAN, Philippines – Tumaas ng 3.48 metro ang lebel ng tubig sa Angat Dam dahil sa mga pag-ulan na dulot ng low pressure area (LPA) na tumawid sa southern Luzon noong Miyerkules.
Ayon sa PAGASA, humina ang LPA at tuluyang nawala sa West Philippine Sea alas-8 ng umaga nitong Huwebes.
Bandang alas-8 ng umaga, umabot sa 154.33 metro ang lebel ng tubig sa Angat Dam, mula sa 150.85 metro noong Miyerkules. Ito ang pinakamalaking pagtaas ng tubig sa dam mula noong Hulyo 8, ngunit mas mababa pa rin ito sa critical low level na 160 metro.
Ang Angat Dam ang nagsusuplay ng humigit-kumulang 90 porsiyento ng pangangailangan sa tubig ng Metro Manila.
Sa loob ng 24 oras mula Hulyo 29 hanggang Hulyo 30, nakapagtala ng pag-ulan sa watershed ng Angat Dam: 89.0 mm sa Matulid, 72.0 mm sa Talaguio, 66.5 mm sa Maputi, at 54.0 mm sa Angat station. Mataas ding pag-ulan ang naitala sa Baler, Aurora (81.4 mm), Infanta, Quezon (63.2 mm), Tanay, Rizal (48.1 mm), at San Ildefonso, Bulacan (42.8 mm).
Mas maliit lamang ang itinaas ng tubig sa iba pang pangunahing dam sa Luzon: 0.40 metro sa Ipo Dam, 0.22 metro sa Pantabangan Dam, at 0.08 metro sa Ambuklao at Magat Dams.
Nananatili pa ring monsoon break ang bansa dahil sa kawalan ng Habagat, ngunit posible pa rin ang malalakas na thunderstorms sa hapon at gabi, lalo na sa Northern at Central Luzon, Panay, Negros, Samar, at malaking bahagi ng Mindanao.
Patuloy ding mino-monitor ng PAGASA ang isa pang LPA sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) na nasa mahigit 1,500 kilometro silangan ng Visayas. Malabo itong maging bagyo at inaasahang mananatili sa labas ng PAR.
Samantala, ang Super Typhoon Dolphin ay nasa humigit-kumulang 4,600 kilometro silangan ng Central Luzon. Hindi ito inaasahang papasok sa PAR ngunit maaaring lumapit sa hilagang-silangang bahagi nito sa kalagitnaan ng susunod na linggo bago tumama sa eastern China sa susunod na weekend. RNT/MDS