Home NATIONWIDE TUCP: P35 minimum wage hike sa NCR kulang

TUCP: P35 minimum wage hike sa NCR kulang

MANILA, Philippines- Hindi sapat ang P35 na dagdag sa pang-araw-araw na minimum na sahod ng mga manggagawa sa National Capital Region (NCR), ayon sa Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) nitong Martes.

Sa panayam ng media, sinabi ni TUCP legislative officer Paul Gajes na ang P35 minimum wage hike ay “mumo” lamang na itinatapon para ipahiya ang mga manggagawa.

“Crumbs lang po ito. Barya-barya at mumo para ipahiya ang mga manggagawa. Kaya sinabi namin ‘yan, tignan niyo naman po, sadyang kulang na kulang talaga sa pang-araw-araw na gastusin ng ating manggagawang Pilipino,” giit niya.

Nauna rito inaprubahan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) ang P35 na umento sa araw-araw na minimum na sahod ng mga manggagawa sa National Capital Region (NCR), na itinaas mula P610 sa P645 para sa non-agriculture sector. Inilabas ng National Wages and Productivity Commission ang desisyon noong Lunes ng umaga at ito ay magkakabisa 15 araw pagkatapos mailathala ang kautusan

“I was listening kanina doon sa mga interviews and some are happy about it. Pero kung tutuusin talaga, iisa ang sinasabi nila, may dagdag pero kulang,” ayon kay Gajes.

“Yung isa, sabi pamasahe lang ‘yan. ‘Yung isa, sabi bayad utang lang. ‘Yung mga ganu’ng reasoning. So we can clearly see hindi talaga sapat,” dagdag pa nito.

Kaugnay nito, ipinagtanggol ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma ang P35 hike na ipinunto na para lamang ito sa entry level positions at hindi dapat umasa lamang ang mga manggagawa sa minimum wage para sa lahat ng kanilang pangangailangan.

“Sa mga lumipas naman na taon lagi nating naririnig na kulang, maliit, hindi sapat. Pero gusto ko bigyan ng diin na ‘yun pong dagdag ay sa minimum wage o sa floor level, entry level lang po ito,” anang opisyal.

“Hindi po ito dapat na asahan na panggagalingan ng lahat ng pangangailangan ng isang manggagawa at pamilya,” dagdag pa nito.

Sinabi ni Gajes na patuloy na isinusulong ng TUCP ang P150 na legislated wage hike, na inaprubahan na sa Senado at nakabinbin pa rin sa Committee of Labor and Employment ng Kamara.

“Ito talaga ‘yung tinutulak natin na P150 kasi ito po ‘yung sa tingin naming talagang nararapat na increase kaysa barya-barya lang na traditionally binibigay talaga ng regional wage boards natin,” ayon kay Gajes. Santi Celario