Home NATIONWIDE Tuition, school supplies discount itinulak ni Yamsuan

Tuition, school supplies discount itinulak ni Yamsuan

Manila, Philippines- Nais ni Bicol Saro Partylist Congressman Brian Raymund Yamsuan na mabigyan ng 5 porsiyentong diskwento sa pagbabayad ng tuition at iba pang school fees, school supplies at electronic devices na kailangan sa online learning ang mahihirap na estudyante sa lahat ng antas ng pag-aaral.

Nakapaloob din sa House Bill 1850 o Underprivileged Students’ Discount Act ang pagbibigay sa kanila ng 5% discount ng mga canteen, restaurant at iba pang food establishment at mga botika habang nag-aaral sa elementarya, high school, kolehiyo at technical-vocational institutions.

“Sa pamamagitan ng pagbibigay ng diskwento sa mahihirap na estudyante, matutulungan natin sila at ang kanilang pamilya na maibsan ang bigat ng pang-araw araw na gastusin,” ayon kay Yamsuan na kasamang may-akda ng HB 1850.

Sa datos ng Philippine Statistics Authority, may naitalang 7.8 milyong Pilipinong edad 5-24 years old ang hindi nag-aaral noong taong 2022 dahil sa kakulangan ng panggastos sa pag-aaral.

“Kapag kulang ang pang-enrol at mga gamit pang-eskuwela, tulad ng mga textbook at tablet o computer, marami sa ating kapos-palad na kabataan ang nawawalan ng gana at pag-asang mag-aral. Layunin ng ating panukalang batas na matulungan sila, mahikayat na patuloy na mag-aral at magsumikap na magkaroon ng magandang kinabukasan,” dagdag pa ni Yamsuan.

Nakasaad sa bill na ang mga establisyamentong magbibigay ng discount ay maaring i-claim ito na deduction o kabawasan sa pagkalkula ng kanilang babayarang income tax sa BIR.

Itinuturing na “underprivileged student” ang mag-aaral kung kumikita ang mga magulang nito ng hindi lalagpas sa P250,000 kada taon o nagtatrabaho ng part time ngunit kasama ang kanyang kita sa P250 kabuuang kita ng kanyang mga magulang.

Bibigyan rin sila ng 5 percent discount sa entrance fee sa mga museum, theater at cultural event na suportado ng National Commission on Culture and the Arts.

Ang Department of Education, Technical Education and Skills Development Authority at Commission on Higher Education ang naatasan na mag-screen at tumukoy kung sino-sinong mga estudyante ang maaaring mabigyan ng diskwento at kaukulang ID card bilang patunay na kwalipikadong makakuha ng discount ang estudyante.

May mga parusa sa mga lalabag sa panukala, kasama na ang pansamantalang suspensyon ng license to operate ng establisyamento at multa na mula P20,000 hanggang P250,000. RNT

Previous articleNamfrel sa Comelec: Vote receipts sa 2025 poll dapat isapubliko
Next article14 sa 57 priority bills naisabatas na