Home NATIONWIDE Tulfo sinopla ni Galvez sa Senate hearing: ‘Hindi kami corrupt’

Tulfo sinopla ni Galvez sa Senate hearing: ‘Hindi kami corrupt’

MANILA, Philippines- Lantarang sinopla ni Presidential peace adviser Carlito Galvez Jr. si Senador Raffy Tulfo matapos akusahan ang tanggapan ng corruption dahil nababahiran ng katiwalian ang decommissioning ng dating rebelde.

Sa ginanap na pagdinig ng Senate committee on national defense, kaagad bumalikwas si Galvez sa akusasyon ni Tulfo sa pagiging korap ng ahensiya sa pagbibigay ng pondo sa dating rebelde.

“Don’t tell us that we’re corrupt,” ayon kay Galvez na halatang napikon sa pagdinig nang akusahan ni Tulfo ang ahensiya.

Tinutugunan ni Galvez ang akusasyon ni Tulfo na mayroong korapsyon sa decommissioning ng dating miyembro ng rebeldeng Moro Islamic Liberation Front.

Ginamit ni Tulfo sa akusasyon ang report ni Galvez sa komite na mayroong 26, 132 decommissioned combatants, pero umabot lamang sa 4,625 armas ang naisurender sa pamahalaan.

Tumatanggap ang bawat rebelde ng halagang P100,000 cash, ayon kay Galvez.

Kinuwestiyon ni Tulfo ang malaking discrepancy” dahil umabot na sa mahigit P2.6 bilyon ang naipamahaging cash grant sa dating rebelde na sumuko sa pamahalaan.

“There’s corruption here, whether you like it or not,” ayon kay Tulfo.

“The discrepancy is big. You have to investigate. Someone should be held responsible. There’s big amount of government money that is missing,” dagdag niya.

Nang linawin ni Galvez na hindi sila corrupt, biglang bumawi si Tulfo sa pagsasabing hindi naman ang peace adviser ang pinararatangan nito kundi ilang tauhan sa organisayon na maaaring sangkot sa katiwalian.

“Definitely, I take offense that you’re already telling us that there’s corruption. I believe that’s not a correct accusation to us,” giit ni Galvez.

Pero, nagmatigas si Tulfo sa pahayag na mayroong corruption sa decommissioning ng dating rebelde.

“Whoever gets hurt, I don’t care,” ani Tulfo.

Pinagsabihan pa ni Tulfo si Galvez na masyadong “defensive” at magpakita na laman ng katibayan upang pabulaanan ng kanyang alegasyon.

“I will show proof. I will show proof that we’re not corrupt,” ayon kay Galvez.

Ngunit, biglang bumawi ulit si Tulfo sa pagsasabing hindi nito pinararatangan si Galvez: : “Why are you angry, Mr. Secretary?”

“Because you’re accusing us that our organization is corrupt,” tugon ni Galvez. Ernie Reyes

Previous articlePatay sa Davao floods, landslides 21 na – disaster officials
Next articleUtos na pagbuwag sa Task Force Davao ‘di totoo – AFP